Nadine Lustre epal daw, tinawag na ‘laos’, ‘user’ ng tagasuporta ni Duterte

Nadine Lustre
KUNG anu-anong masasakit at malilisyosong salita ang ibinabato ngayon ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Nadine Lustre.
Ito’y matapos mag-post ang award-winning actress sa social media ng isang placard na may nakasulat na “COLLECT THEM ALL”.
Ang nasabing cardboard ay hawak ng isang tao na pinaniniwalaang kuha mula sa The Hague, The Netherlands kung saan dinala si former President Duterte matapos maaresto sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Makikita sa ibaba ng placard ang mga apelyidong “Duterte,” “Netanyahu,” at “Putin.” May nakalagay na check sa tapat ng pangalan ni Digong.
Ang iba pang tinutukoy sa placard ay sina Benjamin Netanyahu, Prime Minister ng Israel, at si Vladimir Putin, President ng Russia.
Wala namang inilagay na caption si Nadine sa ni-repost niyang placard pero marami ang naniniwala na aprub sa aktres ang ginawang pag-aresto kay Duterte at ang ginagawang paglilitis sa mga nagawa nitong “crimes against humanity.”
Kasunod nito, kaliwa’t kanang batikos ang natanggap ni Nadine mula sa supporters ng pamilya Duterte. Tinawag siyang “bobo”, “laos,” “papansin,” “user” at marami pang iba.
View this post on Instagram
Maraming nagsabi na ginagamit lang daw niya si Duterte para muling mapansin at umingay ang kanyang pangalan. Mag-artista na lang daw siya at huwag nang makisawsaw sa politika.
May nabasa pa kami na nagsabing nagsisisi raw sila na siya ang kinampihan noong maghiwalay sila ni James Reid. Masyado raw kasi siyang “papampam” at mahilig makialam sa politics.
Matatandaang isa si Nadine sa mga kilalang celebrities na lantarang sumuporta kay former Vice President Leni Robredo nang tumakbo itong pangulo noong 2022 presidential elections.
Last Friday, March 14, isinagawa na ang initial o pre-trial hearing para sa pagkumpirma ng identity ni Duterte pati na ang paglalahad ng mga kasong isinampa laban sa kanya ng ICC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.