PNP nagbabala sa balitang nag-resign mga pulis dahil inaresto si Duterte
NAGBABALA ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga kumakalat na pekeng social media accounts.
Partikular na riyan ‘yung nagsasabing may mga pulis na nagbitiw sa tungkulin matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa PNP, may lumalabas na mga post online na nagpapakilalang mga opisyal ng PNP na nag-resign sa kanilang posisyon bilang reaksyon sa pagkakaaresto kay Duterte.
“Mag-ingat tayo. Baka may gumagamit ng sitwasyon upang maghasik ng kalituhan sa mga nangyayari,” sey ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City.
Baka Bet Mo: Kitty Duterte sinupalpal ng mga kontra kay Digong: Itigil na ang pa-victim!
Dagdag pa niya, “At least, may dalawang accounts na nakita ang ACG (Anti-Cybercrime Group) na bogus, na hindi naman mga pulis.”
Sinabi ni Fajardo na kasalukuyang inaalam ng ACG kung may mga tunay na pulis na nasa likod ng mga nasabing social media accounts.
Nang usisain kung may aktwal nang nag-resign, ang sagot ni Fajardo: “Tinanong ko ‘yung personnel. So far, wala pa naman.”
Magugunitang naaresto si Duterte ng mga awtoridad noong Martes, March 11, at dinala sa The Hague sa Netherlands matapos lumabas ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ang dating presidente ay nahaharap sa kaso dahil sa umano’y crimes against humanity na naganap sa ilalim ng kanyang madugong kampanya kontra droga o Oplan Tokhang.
Samantala, patuloy ang kilos-protesta ng kanyang mga supporters sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa social media upang ipanawagan ang kanyang pagpapalaya at agarang pagbabalik sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.