‘Socmed Ghosts’ ng KSMBPI Films mananakot na; 4 na multo may kanya-kanyang hugot
SIGURADONG malaki ang maitutulong ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) sa movie industry kapag nagtuluy-tuloy ang pagpo-produce nila ng pelikula.
Ang target ng KSMBPI Productions ay nakagawa ng isang pelikula kada buwan na hindi lang dito sa Pilipinas ipalalabas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay KSMBPI founder and chairman Dr. Michael Aragon, matapos manalo ang una nilang movie na ‘Umbra” sa isang international film festival, mas ginanahan pa silang mag-produce para na rin sa ikauunlad ng industriya ng pelikula.
Sa katunayan, may natapos na silang horror-tragedy-drama, ang “Socmed Ghosts” na pagbibidahan ng mga KSMBPI homegrown talents na produkto rin ng kanilang online reality show na “Socmed House.”
Last Thursday, sa weekly “Showbiz Kapihan”, humarap sa ilang miyembro ng press ang cast members ng “Socmed Ghosts” kabilang na ang bidang si Chase Romero na gaganap bilang si Desiree, isang dalagang nerd na pilit inililihim ang pagkakaroon ng third eye.
Ayon sa mga bida ng pelikula, excited na silang mapanood ng publiko ang pinaghirapan nilang proyekto at umaasa sila na sa pamamagitan ng “SocMed Ghosts” ay magbubukas pa ang maraming opportunities para sa kanila.
Iikot ang kuwento ng “Socmed Ghosts” nang magsama-sama ang limang magkakaibigang sina Alice, Mazy, Desiree, Jason at Ding para sa isang project sa social media at nagkaisa na kumuha ng isang condo para du’n sila magtrabaho.
Sa kanilang pagpasok sa building, naramdaman agad ni Desiree ang mga kakaibang mga spirits sa building pero hindi nya ito sinabi sa grupo dahil takot sya na ma-bully.
Pagdating nila sa unit, nagustuhan ito ng grupo pero hindi si Desiree. Pinangalanan nila itong socmed house.
Sa unang gabi ng kanilang pagtira roon, may mga bagay sila na ipinagtataka, una na ay kung bakit kokonti ang nakatira sa building?
Unang gabi nila sa SH, nagtaka sila kung bakit laging namamatay ang aircon. Napansin ni Mazy na gumalaw ang baso sa mini bar. Si Alice naman ay pumunta sa banyo at namatay ang ilaw habang siya ay nakaupo sa bowl. Akala niya ay pinaglalaruan lang sya ng mga kasama. Pero paglabas nya, nakita nya na puro tulog na ang mga ito.
Kinabukasan, habang nag-aalmusal ang grupo, pinag-usapan nila ang mga kababalaghang nangyayari sa SH. Napilitan si Desiree na aminin na may kakayahan siya na makakita ng multo at ito ay kanyang ipinaliwanag.
May paraan upang makita nila ang mga elemento. Ayon sa ibang mga ghost hunters, may pagkakataon na sa CCTV ay nakikita ang mga multo.
Napagkasunduan nila na ito ay gawin at nag-install ng app si Jason para makita ang CCTV footage sa kanyang cellphone.
Nag-log in sila at binuksan ang app para makita ang kuha sa CCTV. Sa kanilang pagkagulat, nakita nila na kung saan sila nandu’n, may mga nakapaligid sa kanilang apat na multo!
May kanya-kanyang hugot pala ang apat na ghost: Si Paul na biktima ng EJK ay na-frame up lang at natokhang; si Cassandra na ibinenta ng magulang sa casa at naging prostitute at namatay dahil sa sadistang customer.
Si Pedro na dahil sa kahirapan ay natutong kumain ng pagpag o mga tira-tira mula sa mga restaurant hanggang sa malason at mamatay; at si Joey na isang environmentalist na namatay sa baha sa Tacloban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.