Kilalang TV host-actress may nakakalokang trip sa paglafang ng cookies; tinawag na balahura ng mga katrabaho
HANGGANG ngayon pala ay mas kinakain ng TV host-actress ang palaman ng Oreo at iniiwan ang cookies nito.
Noong una naming makita ang bida sa blind item na ito ay talagang ang palaman lang ng cookies ang kinakain niya at inisip lang namin na baka trip lang niya ito.
Pero ang hindi maganda ay muli niyang ibinalik ang mga cookies sa balot nito at saka iniwan sa dressing room. Paano pala kung may ibang taong kumain nito, e, nalawayan na nga niya.
Fast forward: ilang taon na ang nakalipas ay hindi pa rin pala nagbabago ang istilo ng TV host-actress sa bisyo niya kung paano kumain ng cookies.
Ganu’n pa rin pala, iniiwan pa rin ang magkabilang cookies at nilalantakan lang ang palaman nitong matamis.
Alam namin ay ugaling bata lang noon si TV host-actress pero ngayon may edad na siya at may karelasyon na ay ganu’n pa rin pala.
Ang ibang kumakain kasi ng Oreo ay isinasawsaw sa gatas na sarap na sarap sila at maging kami ay ganito rin ang ginagawa namin, pero si TV host-actress, kakaiba ang trip.
Alam ito ng karelasyon niya at natatawa na lang na hindi naman niya sinasaway dahil ito raw ang gusto ng taong mahal niya. Okay naman sana kung hindi ginagawa sa maraming nakakakita dahil hindi ito maganda.
Sabagay, lagi namang inaasar ang TV host-actress at tinatawag na balahura ng mga kasamahan niya na natatawa na lang din siya.
* * *
Siksik sa fashion at sports ang iWantTFC buong buwan ng Oktubre dahil patuloy nitong ipapalabas nang libre ang mga inaabangang programa ng FashionTV at Jungo TV tampok sina Kendall Jenner at Bella Hadid, at ang mga pinakamainit na bakbakan sa mundo ng sports.
Available sa buong mundo (maliban sa Vietnam) ang FashionTV kung saan mapapanood kung paano nagsumikap at naging matagumpay ang mga modelong sina Kendall Jenner (“The Story of Kendall Jenner”), Bella Hadid (“The Story of Bella Hadid”), at Candice Swanpoel (“The Story of Candice Swanpoel”), pati na ang kwento ng sikat na designer na si Ralph Lauren (“The Story of Ralph Lauren”), at ang photographer na si Mario Sorrenti (“The Story of Mario Sorrenti”).
Napapanood naman sa Jungo TV ang mga martial arts at combat shows ng Black Belt channel tulad ng “The Legend of Bruce Lee” at ang mga docuseries “Enfusion Reality Season 6” at “Believe: Victoria Stambaugh.” Available ito sa mga iWantTFC subscriber sa Pilipinas.
Para naman sa mga mahilig sa e-sports, pwedeng tumutok sa A8 Esports na available sa buong mundo. Nariyan ang “Sonic The Hedgehog,” “The CODcast,” kung saan ibinabahagi ng mga pro player ang kanilang mga opinyon tungkol sa e-sports, at ang “Super League: Lan Prix,” kung saan inuusisa ang mga kaganapan sa Super League Lan Prix finals.
Panoorin ang mga programang ito sa live channels ng FashionTV at Jungo TV sa iWantTFC app (iOs at Android) o website (iwanttfc.com).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.