Diana ilang beses nag-audition sa ABS-CBN: Simula Star Circle 1 hanggang 10, ako po’y nag-apply pero naligwak ang lola n’yo
BAGO nadiskubre at sumikat si Diana Zubiri bilang aktres sa mundo ng showbiz ay dumaan daw muna siya sa butas ng karayom.
Mula sa pagiging “reyna ng audition” hanggang sa pa-extra-extra sa mga teleserye at pelikula, nakilala nga si Diana bilang sexy actress noong kasagsagan ng kanyang kasikatan.
Sa bagong vlog niya sa YouTube, inalala ni Diana ang kanyang mga pinagdaanan noong nangangarap pa lamang siyang maging artista, kabilang na ang ilang beses niyang pag-o-audition sa ABS-CBN noong nasa high school siya.
View this post on Instagram
Aniya, ligwak ang beauty niya sa lahat ng pinuntahan niyang audition. “May nakita ako diyan, Channel 2, naalala ko mga audition ng Star Circle,” na ang tinutukoy ay ang dating tawag sa grupo ng aspiring artists ng Star Magic.
“Aaminin ko po, simula Star Circle 1 hanggang 10, ako po ay nag-apply, pero naligwak ang lola niyo, pero okay lang naman.
“Tapos talagang nanonood ako ng Apo Hiking Society. Pumipila ako sa harap ng ABS-CBN para maging audience. Tapos tumitigin-tingin ako sa hallway, ‘Sana ma-discover ako dito,’ may mga ganu’ng effect pa ako dati!” ang tawa nang tawang kuwento ng aktres.
Dagdag pa niya, “Tapos hindi talaga ako natanggap. Kaya sabi ko, after ko ng high school, hindi na nga ako mag-aartista.
“Siyempre, nasiraan na ako ng loob, di ba, parang wala na akong pag-asa, kasi nga naman ang haba na ng audition ko,” sey ni Diana.
At pati raw ang pag-e-extra sa mga programa ng ABS-CBN ay pinatos na niya, “Naaala ko pa nga, nagta-talent ako. Yung meron kang suweldo, tatawid ka lang sa eksena.”
Isa sa mga pinagekstrahan niya noon ay sa 1998 Star Cinema comedy-horror movie na “Magandang Hatinggabi” starring Angelika dela Cruz at Jericho Rosales.
“Marami akong pinag-ekstrahan. Nanonood ako ng noontime show. Talagang sinisiksik ko yung sarili ko. Parang ganu’n ang pakiramdam ko that time. Pati mga VTR pinatulan ko na pero ligwak talaga ako,” sey pa ni Diana.
Isang araw daw habang kumukuha siya ng visa para magtrabaho sa Japan ay may nakakita sa kanya at nagtanong kung gusto niyang mag-artista at lumabas sa mga pelikula ng Seiko Films, “Ang catch, magpapaseksi ako.”
Nu’ng una ay nagdalawang-isip siya pero nang payagan na nga siya ng kanyang nanay ay umoo na rin si Diana and the rest as they always say, is history.
Mas nakilala pa si Diana ng publiko nang mabigyan ng chance na mag-guest sa “Eat Bulaga” at naging semi-regular co-host pero ang talagang naging claim to fame niya ay ang kanyang controversial pictorial sa EDSA-Shaw para sa FHM Magazine noong 2000.
Ito nga ang naging daan para maging regular siya sa “Bubble Gang” at mapili bilang isa sa mga bida ng “Encantadia”.
Kasalukuyang nasa Australia si Diana kasama ang asawang si Andy Smith at ang tatlo nilang anak. Nagtungo sila roon noong kasagsagan ng pandemya.
Aniya sa desisyon niyang lisanin muna ang pag-aartista, “Twenty years sa showbiz, it’s about time for me para sa pamilya ko. It is my choice to be here po sa Australia.”
“Aayusin ko po yung papers ko dito, pati mga bata,” aniya pa. Sa Australia na raw niya pag-aaralin ang mga ito.
Pero siniguro naman ni Diana na, “Hinding-hindi ko iiwan ang showbiz. Utang ko sa showbiz ang lahat ng kung anong meron ako.”
https://bandera.inquirer.net/282940/lampungan-photos-nina-ellen-at-derek-sa-beach-binanatan-ng-netizens-mahiya-naman-kayo
https://bandera.inquirer.net/321938/angel-aquino-pormal-nang-nagpaalam-kay-gen-diana-oligario-now-rock-roll-in-probinsyano-heaven
https://bandera.inquirer.net/311993/migz-zubiri-opisyal-nang-tinanggal-sa-senate-slate-ng-tambalang-leni-kiko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.