Paggawad ng National Artist award kay Susan Roces isusulong ng asawa ni Raffy Tulfo; ano’ng reaksyon ni Grace Poe?
BUKOD sa panawagan na ideklarang Pambansang Araw ng Pagluluksa ang araw ng libing ng Queen of Philippine Movies na si Susan Roces, isusulong din ng ilang sektor ang pagkilala sa premyadong aktres bilang National Artist.
Sumakabilang-buhay ang ina ni Sen. Grace Poe at asawa ng Action King na si Fernando Poe, Jr. nitong nakaraang Biyernes, May 20, sa edad na 80 dahil sa cardiopulmonary arrest.
Sa darating na Miyerkules, May 25, nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan ang movie icon at habang isinusulat namin ang balitang ito ay patuloy pa rin ang pagpapaabot ng pakikiramay ng mga kilalang personalidad sa pamilya ni Sen. Grace Poe.
Nitong nagdaang weekend, hiniling ni Senator-elect Raffy Tulfo kay President Rodrigo Duterte na ideklarang Pambansang Araw ng Pagluluksa ang araw ng libing ni Susan.
Bukod dito, plano ring irekomenda ng asawa ni Raffy na si ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo na magkaroon ng nominasyon para sa posthumous National Artist ang veteran actress dahil sa hindi matatawarang kontribusyon nito sa Philippine entertainment industry tulad din ng asawa nitong si FPJ na ginawaran ng National Artist Award noong May, 2006.
Narito naman ang reaksyon ni Sen. Grace hinggil dito, “Maraming salamat po doon sa mga nagmumungkahi niyan, kay Cong. Tulfo and sa mga iba pang kasamahan namin na alam ko yun din ang itinutulak.
“I think si Senator Tulfo meron ding statement. Maraming nakiramay sa amin. Tumawag na si Senator Bong Revilla, si Senator Jinggoy Estrada, Senator Robin Padilla, yung mga kasamahan ko, si Senator JV Ejercito, lahat po sila.
“Ang masasabi ko lang po ay ito, magmula noong 14 years old si Susan Roces, siya po ay masipag na sa kanyang trabaho, halos iba’t ibang role nagampanan na niya, at kung iniisip ninyo na maganda ang mga pelikula ni FPJ, siya po ang kakuwentuhan ni FPJ, ‘Sa tingin mo ba, Inday, maganda na ilagay natin itong scene na ito?’
“Sila po yung nagdidiskusyon kung anong magandang scene. At lingid po sa kaalaman ng iba, pati yung mga dialogue niya minsan sa Ang Probinsyano, siya rin ang tumutulong para mas maging maayos at maganda.
“Siya talaga ay isang artist at hindi lamang yun isang artista na sa tingin ko ay nagbigay ng magandang ehemplo.
“Alam mo, maraming pinagdaanang hamon sa buhay ang aking nanay, hindi lamang sa kanyang karera kundi sa kanyang personal na buhay. Pero talagang ipinakita niya kung papano maging isang mabuting asawa, na supportive sa kanyang asawa.
“Halos tuwing makikita ko siya, walang patid ang kanyang pangangaral sa akin at siya ang pinakapumupuna kapag meron akong ginawang hindi nararapat.
“So ang national artist, dapat siya po ay magaling sa kanyang sining pero higit sa lahat siya ay dapat maging isang mabuting huwaran.
“Nasa kamay ang desisyon ng mga nasa posisyon kung ito ba ay maibibigay o hindi.
“Pero sa puso ng marami nating mga kababayan, hindi po siya makakalimutan bilang isang may integridad, mahinahon pero pag hinamon ay hindi po umaatras,” mahabang pahayag ng senadora.
https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa
https://bandera.inquirer.net/313982/erap-ate-vi-maricel-lorna-ai-ai-wasak-ang-puso-dahil-sa-pagpanaw-ni-susan-roces-maraming-salamat-we-will-miss-you
https://bandera.inquirer.net/313872/judy-ann-santos-john-prats-bela-padilla-bong-revilla-nagluluksa-sa-pagkawala-ni-susan-roces
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.