Apo Whang-od kering-keri pa ring mag-tattoo at magsayaw sa edad na 105
Apo Whang-od
IN FAIRNESS, ang saya-saya pala ng naging selebrasyon para sa ika-105 kaarawan ng pinakamatandang mambabatok o traditional tattoo artist sa Kalinga na si Apo Whang-od.
Simpleng pagdiriwang lamang ang naganap para sa birthday ng legendary tattoo artist sa kanilang lugar sa Buscalan, Kalinga Province na dinaluhan ng kanyang mga kapamilya.
Si Apo Whang-od o kilala rin sa tawag na Maria Oggay ay isinilang noong Feb. 17, 1917.
Ilang turista rin ang maswerteng nakasaksi ng simpleng birthday party ni Apo Whang-od tulad na lang ni Darryl Bautista na siyang nag-post ilang video kung saan mapapanood ang ilang kaganapan sa selebrasyon noong Feb. 19.
Base sa isang video, talagang ipinaghanda ng kanyang pamilya si Apo Whang-od sa 105th birthday nito at ipinagkatay pa ng baboy.
Super sing din ng “happy birthday” ang mga dumalo sa party ng pinakamatandang mambabatok. Kitang-kita sa video ang kaligayahan ni Apo Whang-od habang pinapalakpakan siya ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Sa isang bahagi ng selebrasyon, nakisayaw din si Apo Whang-od sa ilang mga katribo na nagsayaw ng traditional dance at sa musika ng gangsa o flat gong.
Makikitang nakasuot ang iconic tattoo artist ng pulang panyong bandana, dilaw na damit at rosas na “ginamat” o ang pang-ibabang damit.
May solo performance rin si Apo Whang-od hanggang sa isa-isa nang sumabay sa kanya ang ilang mga kalalakihang bisita.
Base sa mga nabasa naming komento mula sa netizens, manghang-mangha sila sa kakaibang energy ng tattoo artist na kahit nga 105 na ay kering-keri pa ring humataw sa pagsasayaw.
At bukod nga rito ay napakalinaw pa rin ng mga mata ni Apo Whang-od dahil kayang-kaya pa rin niyang mag-tattoo. Marami na siyang natatuang celebrities at mga foreign tourists.
Matatandaang noong June, 2018 ay pinarangalan si Apo Whang-od ng Dangal ng Haraya Award for Intangible Cultural Heritage ng National Commission for Culture and the Arts.
Ibinibigay ang award na ito sa mga nabubuhay pang Filipino na may malaking kontribusyon sa larangan ng sining at kultura ng bansa.
At hindi lang sa Pilipinas kinikilala ang galing at talento ni Apo Whang-od kundi maging sa ibang bansa dahil nga sa tradisyunal na paraan ng kanyang pagta-tattoo na sinimulan niya sa edad na 15, gamit ang tinta mula sa pinaghalong uling at tubig.
https://bandera.inquirer.net/296294/nas-academy-personal-na-humingi-ng-sorry-sa-grupo-ni-apo-whang-od
https://bandera.inquirer.net/290055/nas-daily-naglabas-ng-ebidensiya-para-patunayang-hindi-scam-ang-whang-od-academy
https://bandera.inquirer.net/289996/apo-ng-pinakamatandang-mambabatok-umalma-warning-whang-od-academy-is-a-scam
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.