Veteran actress-director Rustica Carpio pumanaw na sa edad 91
Rustica Carpio
SUMAKABILANG-BUHAY na ang award-winning veteran actress at direktor na si Rustica Carpio kahapon, Feb. 1. Siya ay 91 years old.
Ang malungkot na balita ay kinumpirma ng kanyang mga pamangkin na sina Myrea Baquiran at Nessea Carpio sa pamamagitan ng social media.
Ayon sa mga ito, binawian ng buhay ang beteranang aktres sa bahay ng kanyang sa Cavite at kasalukuyan pa silang nakikipag-ugnayan sa nakababatang kapatid nito tungkol sa iba pang detalye ng kanyang pagkamatay.
“We wish you farewell in your journey to eternity. You’d never be forgotten. Rest in peace, Tita Rustica Carpio,” ang ibinahaging mensahe ni Nessea sa kanyang Facebook page para kay Carpio.
Sa panayam naman kay Myrea, nabanggit nito na ngayong araw, Feb. 2, nakatakda ang cremation sa labi ng veteran actress. Pero hindi pa raw sila sigurado kung magkakaroon pa ng burol.
Bukod sa pagiging aktres at direktor, isa ring author, playwright, scholar, literary critic at book editor si Carpio. Naging dean din siya ng College of Languages and Mass Communication (College of Communication) sa Polytechnic University of the Philippines.
Kabilang sa mga karakter na ginampanan niya noon sina Lady Macbeth, Sisa, Teodora Alonzo, Leonor Rivera at marami pang iba.
Ang una niyang pelikula ay ang “Nunal sa Tubig” na ipinalabas noong 1975 na idinirek ng National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal.
Nabigyan din ng mga parangal si Carpio kabilang na ang Best Actress award sa 33rd Gawad Urian noong 2010 para sa pelikula ni Brillante Mendoza na “Lola.”
Sa nasabi ring pelikula niya nakuha ang Crystal Simorgh Best International Actress sa 2011 Fair International Film Festival (Iran), at best actress sa 2010 Las Palmas International Film Festival (Gran Canaria, Spain).
Ang iba pang classic film na nagawa niya ay ang “Aliw” (1979), “Bona” (1980), “T-Bird At Ako” (1981), “Moral” (1982), “Rizal In Dapitan” (1997), at “Captive” (2012). Huli naman siyang napanood sa pelikulang “Circa” na ipinalabas noong 2019.
Tumanggap din ng mga Lifetime Achievement Award ang beteranang aktres mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa natatanging kontribusyon niya sa Philippine entertainment industry.
https://bandera.inquirer.net/281610/showbiz-industry-nagluluksa-sa-pagpanaw-ni-nestor-torre-rita-daniela-fdcp-may-pa-tribute
https://bandera.inquirer.net/296741/veteran-actress-janice-jurado-umaming-nag-drugs-nang-magkabukol-sa-dibdib
https://bandera.inquirer.net/279909/veteran-actress-at-ina-ni-tessie-tomas-na-si-laura-hermosa-pumanaw-na
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.