Toni kay Alex: Imagine, dati nanonood lang tayo ng MMFF, ngayon tayo na ang pinanonood
Alex Gonzaga at Toni Gonzaga
MAS naging solid pa ngayon ang relasyon at samahan ng magkapatid na Alex at Toni Gonzaga kahit pa may kanya-kanya na silang pamilya.
Hindi man daw sila palaging nagkikita at nagkakasama, wala naman itong effect sa closeness at samahan nila bilang magkapatid.
“Lagi kaming may time ni Alex for each other, kasi I think nakatulong din na dalawa kami, so talagang yung bond na nabuo namin, connected na talaga kami kahit magkalayo kami.
“We may not be physically together all the time, pero yung communication namin, laging tuluy-tuloy.
“So, lagi kaming updated sa mga pangyayari sa buhay ng bawat isa, yung mga milestone, kung anuman yung mga pinagdadaanan ng bawat isa, lagi kaming present,” pahayag ni Toni sa ginanap na online presscon ng official entry nila sa 2021 Metro Manila Film Festival, ang “ExorSis.”
Kuwento naman ni Alex, kay Toni niya unang ibinalita na buntis siya sa dapat sana’y magiging panganay nila ng asawang si Mikee Morada.
“Actually, ang ate ko ang una kong sinabihan when I got pregnant. And then, siya rin yung isa sa mga una kong sinabihan nang hindi maging maganda yung outcome.
“Ang ate ko, hindi mo man mararamdaman yung physically na nandiyan siya because iba na yung bahay niya, pero her presence, her love, and yung care niya, nararamdaman mo,” pahayag pa ng actress-vlogger.
View this post on Instagram
Samantala, super excited na ang magkapatid sa nalalapit na pagpapalabas ng “ExorSis” produced by Viva Films and TinCan Productions na pag-aari ni Toni at isa nga sa mga maswerteng napili bilang official entry sa MMFF 2021.
Makakasama rin nila rito ang kaibigan nilang si Melai Cantiveros at idinirek ni Fifth Solomon.
Ani Toni, ang shooting nila para sa nasabing pelikula ang isa sa pinakamasayang experience niya ngayong panahon ng pandemya.
Chika ng TV host-actress, “Nu’ng nagluwag na at puwede nang mag-shoot para sa pelikula, sobrang grateful ko na nakasama ko itong cast na ’to. They’re such a joy to work with. Parang hindi kami nagsu-shooting.
“Feeling namin, nag-retreat lang kami dahil mas marami yung bonding moments. Ang saya-saya, sobra akong grateful dahil tinanggap nila yung proyekto tapos nag-enjoy sila na ginawa yung pelikula.
“I like doing comedy films tapos horror, kasi this brings back mga memories yung mga unang pelikula na ginawa ko sa Star Cinema, yung D’Anothers,” sabi pa ni Toni.
Dagdag pa niya, wala rin daw siyang pressure na nararamdaman sa paglaban nila sa MMFF 2021, “Kahit noong unang sumali kami sa MMFF, para hindi kami ma-pressure ni Alex, ang lagi naming pinag-uusapan, ‘Naalaala mo, Catherine (tunay na pangalan ni Alex), nu’ng bata tayo, lagi tayong pumipila pag MMFF sa Sta. Lucia East Grand Mall?’
“Tapos the mere fact na makita lang namin yung poster natin na nakahilera sa mga pelikula na pagpipilian na panoorin sa MMFF, parang we’ve come a long way.
“Yun lagi ang sinasabi ko sa kanya, ‘Imadyinin mo, Catherine, dati nanonood lang tayo ng MMFF, ngayon isa na tayo sa pagpipilian sa MMFF.’
“Mas iniisip namin na magpasalamat na lang tayo dahil kasama tayo sa choices. Dati kami yung nanonood, ngayon kami na yung napapanood,” pag-alala pa ni Toni.
https://bandera.inquirer.net/299546/toni-alex-muling-magsasama-sa-pelikula-maghahasik-ng-kasiyahan-at-katatakutan-sa-the-exorsis
https://bandera.inquirer.net/297521/mmff-magbabalik-sinehan-8-official-entries-inilabas-na
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.