Sobrang pananakot sa Omicron, bawasan naman! | Bandera

Sobrang pananakot sa Omicron, bawasan naman!

Jake J. Maderazo |
Wag Kang Pikon -
December 03, 2021 - 05:20 PM

omicron vaccination covid-19 philippines

Naghahanda ang mga medical worker para sa vaccination sa isang coliseum sa  Makati City. (AFP)

Sa loob ng halos dalawang taon, masyadong parusa ang hinataw sa atin ng WUHAN COVID-19 virus at sinundan ito ng mga variant na ALPHA, BETA at iba pa. Pero, katangi-tangi at pinakamalakas ang  DELTA variant na sinalanta at pinatay kahit mga “fully vaccinated” dito sa atin. Tumawid din ito sa India at Indonesia at sa ngayon, ito’y nagsasabog ng lagim sa Vietnam, Thailand at sa “fully vaccinated” na Malaysia. Hindi naging sapat ang  mga gamutan at lumilitaw sa mga pag-aaral na kailangang danasin ng isang bansa ang lupit ng DELTA sa loob ng apat na buwan bago ito humupa.

Dito sa atin, nagsimula noong Hulyo, nag-peak noong Agosto, Setyembre at Oktubre bago bumaba ngayong Nobyembre at Disyembre.  Malaking tulong ang ating “population protection” na halos 90 percent sa Metro Manila at 36 percent vaccination sa buong bansa. Dahil dito, humina si DELTA  at nagbagsakan ang “positivity rate”, r-naught, infection rate, ADAR, at lumuwag ang mga ospital.  Kahit ilang araw nang nagki-Christamas shopping ang mga tao, hindi tumataas ang mga “new cases”. Of course, salamat sa Panginoon at sa mga nag-iingat nating kababayan.

Kasabay nito, naglabasan ang mga bago at mabibisang gamot para sa mga  nagka-COVID  “mild” o “asymptomatic”, para hindi na sila maospital o mamatay. Aprubado ito ng ibat ibang bansa  at dumaan sa mga clinical trials.  Molnupiravir (MOLNAFLU)  ng MERCK, Fluvoxamine (LUVOX) -anti-depressant drug na tatlong dekada nang iniinom ng mga pasyente) , Ritonavir (PAXLOVID) ng Pfizer at ang AZD7442 o  EVUSHELD na gawa naman ng ASTRAZENECA. Meron pang gamot “experimental chewing gum” ang mga researchers ng University of Pennsylvania na binabawasan ng 95 percent ang viral load ng COVID-19.

Noong nagsimula ang pandemya noong March 2020,  talagang nakakatakot dahil  wala pang mabisang gamot at bakuna. Hula hula at nageeksperimento ang lahat ng mga doktor sa mundo kung paano gagamutin ang mga hindi makahinga sa ospital. Hindi nila  kilala ang kalabang virus, kayat maraming namatay pati mismo mga health care workers.

Pero, ibang iba na ang sitwasyon ngayon. At sinasabi ko nga, dumaan na tayo at sinalanta ng pinaka-nakakahawang DELTA variant. Narito na tayo sa punto ng pagtatapos ng “pandemic” at papunta na sa tinatawag na “endemic stage”, kung saan nariyan pa rin ang COVID at mga variant nito, pero, tulad ng mga nakakahawang trangkaso, pulmonya, tigdas, polio at iba pang sakit, ang COVID ay meron nang mga mabisang gamot.

Pero, ginulantang na naman tayo ng bagong OMICRON variant na sampung beses daw nakakahawa kaysa DELTA. Ibinulgar sa South Africa, pero sa genome sequencing, nakita na matagal na itong nasa Europa. Ang huli kong balita, puro “mild” at asymptomatic ang tinatamaan nito  at walang naoospital lalo na kung “bakunado”. Yung iba,  merong “intense fatigue”, high pulse rate, pero hndi nawawala ang pang-amoy.

Pero, kailangan tayong maghintay ng ilang linggo para masuri ng “scientists” ang OMICRON na meron daw higit 30 “mutations”, na doble sa dala-dala  ng DELTA. Kaya naman, kahit bakunado ay medyo kinakabahan.

Pero, sa kabuuan, kahit tamaan ka pa ng OMICRON ngayon, meron nang sapat at siguradong gamutan , mula “mild” at “asymptomatic” hanggang sa ikaw ay maging “serious” o nasa ICU. At batay sa mga  pag-aaral, masyado nang lumiliit ang tsansa  na ikaw ay mamatay dahil napapatunayan nang mabibisa ang mga bagong gamot na naimbento.

Kaya naman, mas maliwanag ang hinaharap ng mundo sa mga variant na ito. Lalo na sa bansa natin na nakaraan na si DELTA.   Ngayon, kung darating o talagang nariyan na si OMICRON, wala na ring dapat ikatakot , basta ikaw ay bakunado at susunod sa mga  “health protocols”. Kailangan lamang ang DOH, LGU, at buong health care system na nakatutok at nakaalalay sa mga mamamayan na tatamaan ng OMICRON. Turuan sila ng mga paraan ng pag-iwas sa bagong variant, at paghandain ang mga ospital at baranggay center.

Huwag na sanang takutin pa ang mamamayan. At yong mga pulitiko, oposisyon  o mga opisyal ng gobyerno na sumasakay sa pananakot sa taumbayan, pwede bang tigilan na ang mga “sisihan”, at parunungan. Pwede bang tumahimik muna, magkaisa at tulungan ang mga bansa at mamamayan na paghandaan ang bagong variant.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending