Robin, Cesar, Alfred, Gardo gumanap bilang Andres Bonifacio; Yul Servo tuloy ang laban para sa ‘Ama ng Rebolusyon’
Yul Servo, Cesar Montano at Robin Padilla
NGAYONG araw ginugunita ang ika-158 taong kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang tinaguriang Ama ng Demokrasya ng Pilipinas at Ama ng Rebolusyon.
Isa siyang dakilang Filipino na walang ibang hinangad kundi ang palayain ang inang bayan mula sa mahigpit na hawak ng mga dayuhang walang ibang ginawa kundi alipustahin ang Pilipinas. At dahil sa kanyang kabayanihan, isa sa mga national holiday ng Pilipinas ay ang Bonifacio Day na ginaganap tuwing Nov. 30.
Para sa marami, maaring hindi na importante ang history ng ating bansa, ngunit ang hindi napapansin ng lahat ay ang kasaysayan ang humubog sa isang bansa, ito ang nagpatatag sa bawat Filipino at patuloy na dumadaloy sa lahat ng aspeto ng ating pamumuhay.
Ika nga ni Gat Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.”
Maraming beses nang ginawan ng pelikula ang buhay ni Bonifacio, bukod pa sa mga teleseryeng tumatalakay sa Philippine history. Kabilang sa mga kilalang aktor na gumanap bilang Andres Bonifacio ay sina Cesar Montano, Gardo Versoza, Alfred Vargas, Robin Padilla, Gardo Versoza, Sid Lucero at marami pang iba. Sa bagong version naman ng biopic ng ating bayani na sa direksyon ni Erik Matti, bibida naman si Manila Mayor Isko Moreno.
Samantala, kung may isang celebrity naman na talagang super fan din ni Bonifacio yan ay walang iba kundi ang actor-politician na si Yul Servo (Nieto), ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Lungsod ng Maynila.
Siya ang nanguna sa pagpasa ng House Resolution no. 01416 o “A RESOLUTION DIRECTING THE GOVERNMENT OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, THROUGH THE DIPLOMATIC EFFORTS OF THE DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS, TO TAKE FURTHER STEPS TO RECOVER AND PRESERVE THE ‘KATIPUNAN DOCUMENTS’ FROM THE ARCHIVO MILITAR GENERAL DE MADRID, UNDER THE GOVERNMENT OF SPAIN”.
Ang layunin ng House Resolution na ito ay makuha ang Katipunan Documents mula sa Madrid, Spain, dahil nilalaman ng mga dokumentong ito ang daan-daang mga mahahalagang papeles, ulat at sulat-kamay na mga liham nina Gat Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Pio Valenzuela at iba pang opisyales ng Katipunan.
At kahit nakuha natin noong 2012 ang digitalized na kopya ng mga dokumentong ito na nasa pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines, mahalaga pa rin na makuha ang orihinal na dokumento, ayon pa kay Yul.
Bukod dito, nariyan din ang House Resolution no. 2835 o “RESOLUTION EXPRESSING THE RECOGNITION OF ANDRES BONIFACIO AS THE FIRST PRESIDENT OF THE PHILIPPINES AND URGING THE PRESIDENT TO INSTITUTE THROUGH THE DEPARTMENT OF EDUCATION AND COMMISSION ON HIGHER EDUCATION SIGNIFICANT MEASURES TO DISSEMINATE AND PROPAGATE THE TRUTH ABOUT SUCH FACT IN HISTORY BOOKS, ELEMENTARY, HIGH SCHOOL AND TERTIARY EDUCATON, AND OTHER RELATED MEDIUM OF INFORMATION”.
Ikatlo ang House Bill no. 10542 o “AN ACT MANDATING ALL COLLEGES AND UNIVERSITIES IN THE CITY OF MANILA WHETHER PUBLIC OR PRIVATE, TO INCLUDE IN THEIR COLLEGIATE CURRICULA COURSES DEVOTED TO THE LIFE, WORKS AND HEROISM OF GAT ANDRES BONIFACIO”.
At sa huli ay ang House Bill no. 10557 o “AN ACT ESTABLISHING THE ANDRES BONIFACIO MUSEUM IN HIS HOMETOWN OF MANILA CITY”.
Ayon kay Cong. Yul Servo Nieto, “Oras na para malaman ang lahat ng katotohanan tungkol kay Gat Andres Bonifacio, na siya’y higit pa sa isang matapang na mandirigmang nagsimula ng pag-alsa laban sa mga dayuhang nanakop sa kanyang inang bayan, siya ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Filipinas at siya ang totoong unang Pangulo ng ating bansa.
“Ang mga panukalang-batas na ito ay walang anumang layunin na guluhin ang naunang kaalaman natin tungkol sa ating kasaysayan, bagkus nais ng mga ito na itama ang matagal nang mali, at ipagmalaki at kilalanin natin ang Pambansang Bayani sa paraan na makakatulong sa mga susunod na henerasyon.
“Dahil ang kasaysayan ng isang bansa at kaalamanan ukol dito ay napakalaki ng epekto sa ating pagkatao bilang mga Pilipino,” pahayag pa ng aktor-politiko.
https://bandera.inquirer.net/283535/mga-anak-ni-sunshine-nagmana-kay-cesar-napakahusay-din-naman-kasing-artista-ng-ama-nila
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.