UMATRAS na si Senador Bong Go sa karera ng pagka-pangulo ng bansa sa darating na 2022 elections.
Sa ambush interview sa ika-158 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan, sinabi nitong ayaw niyang “maipit” si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ayaw rin talaga ng aking pamilya kaya naisip ko na siguro ay hindi ko pa panahon sa ngayon. Diyos lang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon. Ayaw ko ring maipit si Pangulong Duterte. Higit pa sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya,” wika ni Go, na longtime aide at confidant ni Duterte.
Sinabi pa ni Go na sa mga nakalipas na araw, hindi magkatugma ang kanyang isip, puso at gawa. “Talagang nagre-resist ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din.”
Ito aniya ang dahilan kung kaya mas makabubuting iurong na lamang ang kanyang kandidatura.
Ayon naman kay Commission on Elections spokesman James Jimenez, wala pang awtoridad sa araw na ito ang Comelec upang tumanggap ng kahit na anong filings o petisyon dahil holiday.
“The Law Department currently has no authority to accept any filings considering that today is a holiday. Since it would be a voluntary withdrawal, no substitution. For withdrawal, yes, personal appearance is required,” paliwanag ni Jimenez.
Nito lamang din Huwebes, Nob. 25, ipinahayag ni Go ang kahandaang gumawa ng “supreme sacrifice” para sa ikabubuti ng bansa.
Suportado ni Duterte ang kandidatura ni Bong Go sa ilalim ng PDP-Laban party.
Ang kanyang pag-atras ay magbabakante sa standard bearer ng kanilang partido para sa susunod na eleksiyon. Inaantabayanan naman kung bubuo ng koalisyon ang PDP-Laban sa partido ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbo namang bise presidente.
Nauna rito, inanunsyo na ni Duterte-Carpio ang pagtatambal nila ng dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tumatakbo namang pangulo.
Mula sa ulat ng Radyo Inquirer at ni Neil Arwin Mercado, Inquirer.net.
Kaugnay na Ulat:
Bong Go sa pagtakbong Pangulo: Handa akong magsakripisyo para wala nang maipit
Patay na nga ba si Bongbong Marcos?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.