Hiling na ekstensyon ni Marcos sa kasong diskwalipikasyon, pinaboran ng Comelec
Kinatigan ng Commission on Elections (Comelec) ang apila ni Bongbong Marcos na mapalawig ang deadline sa pagsumite ng sagot kaugnay sa unang kasong diskwalipikasyon na isinampa laban sa kanya.
Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, binigyan ng Comelec ang kampo ni Marcos ng limang araw na ekstensyon.
Ibinaba ng Comelec second division ang desisyon nito lamang Huwebes ng hapon, ayon sa tweet ni Jimenez.
“Pero dahil ang ika-limang araw ay pumatak ng Linggo, ang last day ay magiging sa Nobyembre 22,” wika pa ni Jimenez sa wikang Ingles.
Noong Nobyembre 11, inatasan ng Comelec si Marcos na magsumite ng beripikadong sagot sa loob ng limang araw mula sa pagkatanggap ng abiso. Nakuha ng kampo ni Marcos ang abiso noon ding araw na iyon, kaya nangangahulugan na dapat niyang isumite ang sagot sa petisyon hanggang Nobyembre 16.
Pero sa halip na sagutin kung bakit hindi dapat siya ma-disqualify bilang kandidato, humingi ng ekstensyon ang abogado ni Marcos.
Tumatakbo si Marcos sa pagka-pangulo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas. Si Sara Duterte-Carpio ang kanyang bise presidente.
Noong Nobyembre 17, nagsumite ng mosyon ang mga petitioner, sa pamamagitan ng kanilang abogadong si Atty. Theodore Te, para tutulan ang hinihinging ekstensyon ni Marcos.
Sa reklamong diskwalipikasyon ng mga petitioner, sinabi nilang hindi kwalipikadong tumakbo sa anumang pampublikong pwesto si Marcos dahil nahatulan siya noong 1995 ng Quezon City Regional Trial Court sa kasong hindi pagpa-file ng income tax returns.
Ang mga petitioner ay binubuo ng mga political detainees, human rights groups at medical organizations.
Ang ikalawa at ikatlo pang petisyon na nananawagang madiskwalipika si Marcos ay isinampa ni Dr. Rommel Bautista, na namumuno sa grupo ng mga taxpayers at organisasyon ng mga aktibistang ikinulong noong panahon ng martial law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.