Aiko nagpasalamat sa mga netizens sa kabila ng pagpuna sa kanya
FOLLOW-UP ito sa sinulat namin dito sa BANDERA tungkol sa pagbaklas ng mga tarpaulin ni Aiko Melendez sa Franville 3 Brgy Kaligayahan na ipinanawagan niyang lumaban daw ng patas kung sinuman ang nagpatanggal ng mga ito.
Maraming netizens ang kumuwestiyon sa panawagang ito ng aktres dito sa thread ng BANDERA na hindi pa raw oras ang paglalagay ng tarpaulin dahil sa Pebrero 2022 pa ang simula ng kampanya.
Ayon kay @Sam Cuhhlanag, “Tumatakbo ka pero di mo pala alam ang batas eh. Ang batas eh bawal magkabit ng tarpaulin hanggat dipa campaign period. sa February pa pwde magkabit.”
Gayun din ang sabi ni @Albert Justo, “Alam mo rin nang ipinag babawal ang premature child, este premature campaigning?”
Dagdag din ni @Leo Lualhati Gajitos, “Febrero pa po mam umpisa ng campaign period sabi na aming bubuwit.”
Kaagad naming tinanong si Aiko na kumakandidato sa pagka-konsehal sa Distrito 5 ng Quezon City tungkol dito.
Hatinggabi nitong Miyerkoles nang maka-chat namin ang aktres dahil kararating lang niya mula sa paglilibot niya at meetings sa iba’t ibang barangay.
Ang sagot niya, “Basta me vote at for (position) ang bawal, ‘Yung ilagay na Aiko. Pero kapag private property and walang position mentioned okay maglagay.
“Saka hindi ako nagpakabit no’n mga supporters ko mismo kaya ako sumagot kasi nagrereklamo sila mismo sa akin na ba’t tinanggal.”
Dating nanilbihan na si Aiko bilang konsehala ng Distrito 2 bago hinati sa dalawa kaya naging distrito 5 ng Quezon City noong 2001-2010 kaya alam niya ang batas.
Ang sagot niya sa mga kumuwestiyon na tumatakbo siya pero hindi niya alam ang batas, “Ikot sila ng buong Quezon City kung sino man yan nagsabi di ko alam ang rules lahat ng kandidato merong pa nga me position na ako wala.”
Pero nagpapasalamat pa rin ang aktres sa mga netizens na pumuna sa kanya dahil naniniwala siya na concerned ang mga ito sa kanya at appreciated niya ang mga ito. Wala siyang ibang hangad kundi muling pagsilbihan ang mg aka-distrito niya.
Samantala, natutuwa si Aiko dahil bukod sa pangalan niya ay tinatawag pa rin siyang Kendra patunay na nanatiling buhay ang karakter niya sa Primadonnas na nagpaalam na siya kamakailan.
Related Chika:
Tarpaulin ni Aiko sa Q.C. pinagbabaklas; nakiusap kay Alfred Vargas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.