Joshua, Zaijian pasok sa ‘Darna’ ni Jane; sino kaya ang mapipiling Valentina?
Zaijian Jaranilla, Jane de Leon at Joshua Garcia
IBINANDERA na ng ABS-CBN ang ilang artistang makakasama ni Jane de Leon sa bagong TV version ng superhero fantasy-action series na “Darna”.
Ngayong araw, pinangalanan nga ng production ang cast members ng “Darna” sa pamamagitan ng virtual launch na ginanap sa ABS-CBN sound stage na matatagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan.
Dito rin kukunan ang halos kabuuan ng “Darna” na magsisimula na ang taping sa darating na November.
Si Zaijian Jaranilla ang gaganap bilang si Ding, ang nakababatang kapatid ni Darna na gagampanan nga ni Jane.
“Mahilig siya sa technology at computer games,” matipid na paglalarawan ni Zaijian sa kanyang karakter. Siguradong ito ang gagamiting “powers” ni Ding sa pagtulong kay Darna.
Bibida rin sa TV remake ng iconic Pinay superhero si Joshua Garcia na gaganap bilang Brian Samonte Robles, na isa namang police officer.
Ilan pa sa mga makaka-join sa “Darna” sina Gerard Acao, Tart Carlos, Marvin Yap, Yogo Singh, Young JV, Mark Manicad, Joj Agpangan, Levi Ignacio, Richard Quan, Rio Locsin at Kiko Estrada.
Nauna rito, naibalita na nga ng ABS-CBN na si Iza Calzado ang gaganap as “the first Darna.”
She will portray the role of Leonor Custodio, isang “prime warrior” mula sa Planet Marte na siyang ina nina Darna/Narda at Ding.
Samantala, wala pang ina-announce ang produksyon kung sino ang gaganap na Valentina, ang isa sa pinakasikat na kalaban ni Darna.
Ilan sa mga hula ng netizens na posibleng gumanap na Valentina ay sina Janine Gutierrez, Pia Wurtzbach, Arci Muñoz at Nadine Lustre.
Makakasama naman ni Chito Roño si Avel Sunpongco sa pagdidirek ng “Darna” na itinuturing na pinakamalaking proyekto ng ABS-CBN sa 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.