Duterte magic: Nawawala na dahil sa VP at corruption issues
Ibang Pananaw - September 29, 2021 - 02:24 PM
May mga naniniwala na ang pagiging sikat (popular) ng Pangulong Duterte sa taong-bayan, lalo na sa masa at sa mga mahihirap, ay hindi lang nagpanalo sa halos lahat ng inindorso nito noon sa 2019 election, kasama na sa Senado. Ang pagiging populist president, o pangulo na kumikiling sa interest ng mga nakararaming ordinaryong tao, rin daw ni Duterte ang dahilan kung bakit nagawa at naisulong ng pangulo ang ilan nitong mga kontrabersyal na programa, tulad ng kanyang kaduda-duda at kinakatakutang “war on drugs”.
Kung ito nga ay katotohanan, ito rin marahil ang dahilan kung bakit malaya at komportableng nagagawa ni Duterte ang mga bagay na maituturing mga unpresidential at kilos at gawa na maaaring labag sa batas, constitution at human rights. Duterte magic, ito ang tawag ng kanyang mga kaalyado sa politika, ilang opisyal sa Malacañang at lalo na ng kanyang mga die-hard supporters.
Pero kung totoo ngang may Duterte magic, tila lahat ng senyales at indikasyon ay nagsasabi na nawawala na ito dahil sa maling aksyon na kagagawan mismo ni Duterte. The writing is on the wall, ang sabi nga ng iba.
Ang pagdeklara ni Duterte na tatakbo ito bilang vice-president (VP) sa May 2022 ay isang napakalaking pagkakamali, sapat upang basagin ang sinasabing Duterte magic.
Ilang ulit na rin nating naisulat na ang ating Constitution ay klaro, isang termino (term) lang ang pagkapangulo. Mailalagay sa sitwasyon si Duterte na manungkulan muli bilang pangulo kung papayagan siyang tumakbo at magsilbing vice-president. Totoo at walang debate na wala naman nakalagay sa ating Constitution na nagsasabi na hindi maaaring tumakbo at magsilbi bilang vice-president si Duterte matapos ang kanyang termino sa June 30, 2022. Pero ang pinagbabawal ng Constitutional ay hindi maaaring gawin ninuman directly o INDIRECTLY. Mas lalo naman na hindi dapat payagan sinuman na i-circumvent ang ating constitution. Ang pagtakbo at maaaring pagsilbi bilang vice-president ni Duterte sa 2022 ay isang circumvention ng ating constitution upang makaiwas sa one term policy.
Dahil sa kagustuhan at pagpupumilit ni Duterte na manatili pa rin sa poder bagamat ito ay maaaring labag sa constitution, namulat tuloy sa katotohanan ang karamihan sa atin na ang Pangulo ay tunay ngang sakim sa kapangyarihan.
Sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS), 60% sa respondents o mga tinanong ang direktang sinupalpal ang pagtakbo ni Duterte bilang vice-president sa 2022 at sinabing ito ay labag sa intensyon ng Constitution. Ang katanungan sa kanila ay isang legal question na masasabi natin na maaari lang masagot ng mga may sapat na kaalaman sa ating batas at constitution, ngunit sinagot nila ito hindi base sa legal kung saan kulang ang kaalaman nila. Sinagot nila ang katanungan base sa kung ano ang tingin nila ang tama ayon sa moralidad at gabay lamang ng kung ano ang makakabuti sa bansa.
Para sa 60% na respondent, ang katanungan ay isang moral issue at hindi isang legal issue. Sa kanila, na maaaring kumakatawan ng 60% ng ating botante, hindi tama na tumakbo at magsilbi si Duterte bilang vice-president sa 2022, hindi lang dahil ito ay labag sa intensyon ng constitution, ito rin ay labag sa moralidad at hindi makakabuti sa bansa. Kung totoo nga itong survey, ito ay klarong isang deklarasyon ng nakararaming botante laban sa patuloy na panunungkulan ni Duterte at pananatili sa kapangyarihan.
Kung mayroon pang natitira sa Duterte magic, ito naman ay tuluyan ng nilulusaw ng usapin o issue tungkol sa pagbili ng DBM ng face shields at iba pang mga medical gears at equipment sa kasagsagan ng pandemya na sinasabing overpriced at may corruption.
Ang pag-aabogado (lawyering) ni Duterte sa mga sinasangkot dito at ang patuloy nitong pakikipag-away at pananakot sa mga senador, ang papalit-palit na pananaw at akusasyon laban sa COA at sa Philippine Red Cross na wala namang kinalaman sa usaping overpriced, pati na ang pagpilit na ilihis ang tunay na issue sa nagaganap na Senate investigation ng sinasabing face shields scandal at ang tangkang pagpatigil dito ay hindi nakakatulong upang maibalik ang Duterte magic. Lalo lamang itong nawawala dahil sa mga pinaggagawa ng pangulo at tumitindi lang nang husto ang hinala ng taong-bayan na baka nga nagkaroon ng corruption sa pagbili ng mga ito. Titignan ito ng mga tao bilang pagbibigay proteksyon ng pangulo sa mga kaibigan at kaalyado na isinasangkot sa sinasabing ma-anomalyang transaksyon. Iisipin din nila na kung walang tinatago, bakit natatakot o walang dapat ikatakot.
Ito na siguro ang pinakamahirap na panahon sa pagkapangulo ni Duterte mula ng ito ay umupo sa kapangyarihan. Ang kanyang mga dating kaibigan, kaalyado at kasangga sa politika ay ngayon kalaban at kontra na sa kanya. Mukang wala na rin bisa at kinang ang Duterte magic upang mapaniwala ang mga tao sa kanyang mga political plan at agenda. Wala na nga ang sinasabing Duterte magic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.