Kristel ipinasilip ang ipinagagawang bahay: Ang sakit sa bulsa!
MARAMI sa mga madlang pipol pati mga celebrities ang nag-decide na magpagawa ng bahay sa kabila ng pandemyang nararanasan sa buong mundo.
Sa katunayan, magandang balita ito dahil marami sa ating mga kababayan na nasa laylayan ang nabibigyan ng pagkakataon na may mapagkakitaan sa kabila ng hirap na dulot ng pandemya.
Isa na nga ang aktres at singer na si Kristel Fulgar sa mga taong kasalukuyang nagpapagawa ng bahay. Sa kanyang latest vlog, ibinahagi ng aktres ang kalagayan ng kaniyang pinapagawang bahay.
“Malapit-lapit na siya, nararamdaman ko na. Nararamdaman ko na rin ‘yung sakit sa bulsa kasi ito na ‘yung part na marami-rami na ang nailabas ko tapos hindi pa tapos,” pabirong saad ng dalaga.
“And ‘yung finishing ‘yung medyo, sabi nga sa akin, mas mabigat sa bulsa. Pero masaya ako sa nagiging outcome. Masaya akong nakikitang unti-unting natatayo na siya,” dagdag pa niya.
Sinamantala na rin ng dalaga ang pagbisita upang makatulong kahit papaano sa paggawa ng kaniyang bahay.
“‘Yun ang gusto ko, ‘yung may ambag ako kahit sobrang liit lang. Kahit ‘yung mema lang,” dagdag pa niya.
Unang sinubukan ng dalaga ang paglalagay ng skim coat sa mga pader. Sa una ay akala ng dalaga na madalo lang itong gawin ngunit narealize niya na mahirap pala dahil masakit sa braso at katawan.
Sumunod namang ginawa ng dalaga ang pagpapakinis ng pader, pagpipintura at pagsubok ng paglalagay ng tiles.
Pinaka na-enjoy ng dalaga ang paglalagay ng tiles dahil sa unang subok pa lang ay perfect na agad ang nagawa niya.
“Nakakapagod pero enjoy,” kuwento ng dalaga.
Ramdam na ng dalaga na malapit na ang pagtatapos ng kaniyang bahay at hiling nito na patuloy na sundan at panoorin ng madlang pipol ang kaniyang journey hanggang sa matapos ang kaniyang dream house.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.