Pacquiao sa isyu ng LGBTQ: Masisipag at magagaling silang mag-isip, hindi ko sila kino-condemn
John Lapus at Manny Pacquiao
DAHIL sa announcement ni Sen. Manny Pacquiao tungkol sa pagtakbo niyang presidente sa 2022 elections, naglabasan muli ang naging panayam niya noon tungkol sa same sex marriage.
Talagang kaliwa’t kanang batikos ang inabot ng boxing champ mula sa mga beki at lesbian dahil sa pagkontra niya sa pagpapakasal ng parehong kasarian.
Ilang miyembro ng LGBTQIA+ community ang muling nag-post sa social media sa sinabi noon ng Pambansang Kamao na “mas masahol pa sa hayop” ang pagpapakasal ng dalawang nagmamahalang lalaki o babae.
Isa na nga rito ang comedian-director na si John Lapus na matapang na nag-tweet bilang pagkontra sa pagtakbo ni Pacman bilang presidente sa 2022.
“Mga bakla! Wag kalimutan, sinabihan tayo nyan ng ‘Masahol pa sa Hayop,’” ang ipinost ng komedyante sa kanyang Twitter.
Sa panayam naman ni Toni Gonzaga kay Pacquiao na mapapanood sa kanyang YouTube channel nilinaw ng senador na never niyang kinokondena ang LGBTQ community.
“Na-edit kasi masyado yung statement ko na yun. Ang sinasabi ko palagi, hindi ko kinu-condemn yung mga gay, mga LGBT. May mga pamangkin ako na LGBT, ang dami ko mga LGBT na workers, sa bahay ko, kahit sa mga kapatid ko.
“As a person, hindi mo sasabihin na galit ka sa kanya, kinokondena mo siya. Dapat nga, who am I to judge a person, di ba?” paliwanag pa ng senador.
Dagdag pa ng senador, “Mahaba kasi yung ano na (statement) yun, kung bakit napunta du’n. Binanggit ko sa ano (simula) tapos binanggit ko dito (sa dulo). Pinagdugtong na pinaganu’n (pinag-iba).”
Naniniwala raw siya na bilang Christian, mahal din ng Diyos ang mga miyembro ng LGBTQ community, “Lahat tayong tao, kawangis ng Panginoon. Maganda ‘to kasi napapaliwanag ko.
“Ang ibig ko sabihin, hindi ko kinu-condemn sila. Actually, maganda nga kaibigan, kasama, katrabaho yung mga (LGBTQ members), masisipag, at masaya. Walang ano, magaling sila mag-isip. Masisipag, ganyan,” aniya pa.
Kung matatandaan, negang-nega noon si Pacquiao nang sabihin niya sa isang panayam ang stand niya about same sex marriage. Aniya, “Mas mabuti pa ang hayop, marunong kumilala kung lalaki o lalaki, babae o babae, di ba?
“Ngayon, kung lalaki sa lalaki, babae sa babae, e, mas masahol pa sa hayop ang tao.”
Kasunod nito, nag-sorry naman ang senador sa pamamagitan ng isang video, “Hello po sa inyong lahat, maraming salamat sa dasal at suporta.
“Nais ko pong humingi ng paumanhin sa lahat ng nasaktan dahil sa aking pagkumpara sa tao sa hayop. At yun po ay kamalian ko at ako ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng mga nasaktan.
“At hindi po nagbabago ang aking desisyon na against po ako sa [same-sex marriage] sa paniniwala ko.
“Ang mali ko lang po is nakumpara ko po yung tao sa hayop. So, humingi po ako ng paumanhin.
“I’m humbling myself before you and before God for my mistake. Thank you and God bless.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.