John Lloyd nakiramay sa mga taga-Afghanistan: Maging matatag kayo at matapang... | Bandera

John Lloyd nakiramay sa mga taga-Afghanistan: Maging matatag kayo at matapang…

Ervin Santiago - August 19, 2021 - 02:11 PM

John Lloyd Cruz

APEKTADO ang nagbabalik-showbiz na aktor na si John Lloyd Cruz sa nagaganap na kaguluhan ngayon sa Afghanistan.

Isang mahaba at emosyonal na mensahe ang isinulat ng award-winning actor at box-office king sa kanyang social media account tungkol sa kaganapan sa nasabing lugar.

“Sa mga kabataan at mga matatanda, lalo na silang mga musmos at walang muwang, sa mga ama at ina, sa mga sundalo at sibilyan, sa lahat ng tao na naiipit sa gitna ng peligro ngayon sa Afghanistan, batid ko ang inyong kaligtasan. Maging matatag kayo at matapang.

“Nawa’y sa pagtitig ko ngayong gabi sa nahahating liwanag ng buwan ay tumalbog papunta sa inyo mula rito sa kabilang dako ng iisa nating mundo ang dalamhati ko’t pakikiramay sa sinasapit ninyo.

“Maging matatag sana kayo at alalahaning walang anghel para sa mga hindi naniniwala,” pahayag ni Lloydie.

Pagpapatuloy pa niya, “Wala na sigurong mas nakakagimbal pa kesa sa mapagitna ka sa isang tunay at aktwal na giyera.

“Madatnan ang sariling humahangos sa pagtakbo, pag-ilag at paghanap ng tataguan para maisalba ang buhay na nais mo lamang naman ituloy.

“Napanood ko na ‘to sa sine. Ilang beses na. Kahangahanga ang mga naging kwento at mga pagganap.

“Ilang sine na nga ba ang nagawa patungkol sa mga giyera na may nakasentrong kwento sa pananakop at ayaw magpasakop.

“Mga sine at kwento na umani pa ng mga prestihiyosong parangal at tagumpay at humakot din ng limpak-limpak na salapi mula sa takilya.

“Mga pangyayari at kaganapang madalas ay ipinagdidiwang pa sa industriya ng sining, pulitika at ilang mga bansa. Isang paksang pinakakikinabangan ng sanga-sangang kabuuan ng hindi mabilang na tao.

“Isang minahan, ang giyera. Isang bundok, ng katanungan.

“Sino ang nagsimula. Sino ba ang kalaban. Sino ang panalo. Sino ang huling hahalakhak sa dulo. Sino ang kumita.

“Gabundok man ang makuhang sagot, sa dulo ang tanong ko’y may kapararakan ba?” dire-diretsong sabi pa ng ex-partner ni Ellen Adarna.

Pahabol pa ni John Lloyd, “Malayo man tayo sa banta ng mga mapandagit na kanyon at bala, hindi ibig sabihin ligtas na tayo sa tumatagos na pangongonsensya ng mismong paksa na ating napanood, napagkwentuhan at unti-unting nilubayan.

“O mas malala, pinili nalang hayaan at tanggaping ‘sadyang ganyan.’

“Hindi ko batid na dumampot ka ng armas at sumugod. Hindi ko rin sinasabing ngumawa ka at magluksa.

“Marahil may nais lang masambit, na ang pag-iwas na maapektuhan at ang pagdedesisyong gawin o piliing normal sa kamalayan ang mga nagaganap na kahangalan sa mga dako ng mundo na pinaglalaruan ng mga diyos at nagdidiyos-diyosan ang tunay na nagagapi sa kahit na sinong nagkapakialam o minsan ay naapektuhan ng kahit anong giyerang nagdaan. 

“Maging at lalo na ng matalinghagang giyera na hindi nakikita ng mga mata.

“Kawalan ng giyera ba ang kasingkahulugan ng kapayapaan? Kawalan ng kamalayan na nagpapanggap na kapayapaan ang giyerang paulit-ulit nating tatalikuran.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Karuruwagan. Dahil marahil, rurok ng tagumpay sa buhay ang kaginhawahan…” ang makahulugan pa niyang mensahe.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending