Long Mejia pinagbabayad ng P400K dahil sa ginawang prank kay Aiko | Bandera

Long Mejia pinagbabayad ng P400K dahil sa ginawang prank kay Aiko

Reggee Bonoan |August 02,2021
facebook
share this

Long Mejia pinagbabayad ng P400K dahil sa ginawang prank kay Aiko

Reggee Bonoan - August 02, 2021 - 07:59 PM

UMABOT na sa mahigit 500,000 ang views ang YouTube vlog ni Long Mejia kung saan nabiktima ng prank si Aiko Melendez.

Ang eksena, gustong maging leading lady ni Long sa comedy film si Aiko pero may kissing scene at bed scene. Pinalagan ito ng aktres dahil hindi naman daw niya alam na pina-prank pala siya ng komedyante.

Ikinatwiran nitong hindi siya gumagawa ng mga ganu’ng eksena lalo na ngayong may edad na siya at malalaki na ang mga anak niyang sina Andre Yllana at Marthena Jickain.

Napanood ito ng management ni Aiko, ang ALV Talent Circuit na pag-aari ni Arnold L. Vegafria na masyadong protective sa mga talent niya. Hindi ito nagustuhan ng talent manager at producer.

Bale ba, si Aiko naman ang nakipag-collab kay Long para naman sa YouTube channel ng aktres at masaya silang nag-iinterbyuhan tungkol sa plano ng aktor na tumakbong konsehal sa Malolos City ay bilang tumawag ang handler ng una at kinausap ang komedyante.

Sabi ng handler ni Aiko na si Ms. Vanessa na nasa kontrata raw ng lahat ng artist nila na kapag lumabas sa YouTube ay hinihingan nila ng compensation.

Katwiran ni Long, “E, paano po gagawin natin, e, nakunan na namin ‘yun?”

Sundot ni Aiko, “Sabihin mo na-upload na.”

Paliwanag ni Vanessa, “Kung ilalabas n’yo po, you just have to pay siguro ho the standard rate of Ms Aiko. ‘Yun nga ho wala na tayong choice kundi i-compensate na lang po ‘yung pong appearance ni Ms. Aiko.”

Ang pakiusap naman ni Long, “Hindi ba pwedeng ano (libre) bukod sa magkaibigan naman kami ni Aiko.  Collab naman ‘yung ginawa namin, eh. Wala namang ano ‘yun (problema) collab naman.”

“Pasensiya ka na Long kasi ‘yun po ang SOP (standard operating procedure) ng management namin,” paliwanag ng handler ng aktres.

Sabi pa ni Long, “Bakit hindi naman nabanggit sa akin ni Ms. Aiko?”

“Hindi po siya aware?” katwiran ni Vanessa.

Halatang na-stress na si Long kaya sinabihan siya ni Aiko na kausapin niya ang handler niya at sinabi ng aktres na tatawagan niya ang handler niya dahil nasa meeting lang sila.

“Sabi bayaran ko raw, wala pa namang sinabing presyo,” sambit ng komedyante.

Nanginginig si Aiko at sinabihan niya ang direktor niya na may problema sila ng mga sandaling iyon dahil huli na nang sabihan ng aktres ang management company niya na pinrank siya ni Long at uploaded na ito sa YT channel.

Nabanggit pa ni Aiko na dumalo siya sa meeting na hindi niya alam na prank pala na walang kasamang handler dahil ikinatwiran nito na kaibigan niya ang aktor at ang direktor na si Willie Cuevas.

“E, pinapasingil ng talent manager ko, e, P400,000 (biglang naibuga ni Long ang iniinom niyang tubig) kasi na-upload na. Kasi ayun ang standard rate ko per taping,” paliwanag ni Aiko sa direktor at kay Long.

Sabi naman ng aktor, “Wala akong P400,000.”

Payo naman ni direk Willie kay Long, “E, di ‘wag kang magbayad pero huwag mong ilalabas (video na pinrank ang aktres).”

“E, paano (nailabas na),” tanong ni Long.

“Hindi mo ba alam (na may bayad)?” tanong ni direk Willie kay Aiko.

“Hindi ko alam, walang sinabi sa akin,” kaswal namang sagot ng aktres.

Paliwanag ng direktor kay Long, “Kung legality ang pag-uusapan, under management siya (Aiko), eh.”

Pero ang paliwanag naman ni Long, “E, kay Aiko naman ako dumiretso, sabi ko kung puwede kaming mag-collab?”

“Puwede kayong mag-collab, pero ‘yung image niya hindi siya ang nagmamay-ari may manager siya (kaya) ‘yun ang problema,” katwiran ni direk Willie kay Long.

At doon na rin nalaman ng iba pang nasa meeting na may ganu’ng policy ang manager at talent para na rin sa proteksyon ng artista lalo’t may pangalan na.

Dagdag pa ni direk Willie, “Dapat talaga kasi ipinapaalam niya (Aiko) sa manager niya, kasi pag ganyan puwede ka (Long) idemanda kahit na may usapan kayo kasi under congract siya sa manager niya.

“Kung kay Aiko lalabas sa YouTube channel niya okay lang (walang isyu), pero ibang entity ka kahit pa may usapan kayong collab,” sabi pa sa kanya.

May himig na ng tampo si Long kasi pakiramdam niya wala na siyang lusot, “E, di sige direk alisin na lang natin ‘yun (video), sayang!” malungkot na sabi ni Long.

Ang payo naman ni direk Willie, “Kung gusto mo, ibigay mo na lang ‘yung video kay Aiko lalabas niya sa ano (YT) niya para hindi sayang.”

“E, wala namang problema, kaibigan ko naman siya (Aiko) para hindi na lang masayang ipasa ko na lang sa ’yo,” sabi nito sa aktres.

Sabi ni Aiko kay Long, “Pasensya ka na Long, ha.”

“Okay lang wala namang problema ‘yun (wag lang siyang magbayad ng 400k),” sambit ng aktor.

“Mahigpit kasi si ALV,” sabi pa ni direk Willie.

Hindi pala kilala ni Long ang manager ni Aiko kaya tinanong niya kung sino siya.

Payo pa kay Long na gumawa na lang ng ibang content pero masama na ang loob ng komedyante at wala raw siyang maisip ng mga sandaling iyon.

Kaya sabi ni Aiko, “Okay ituloy na natin itong interview na ‘to at thank you Long sana makabalik tayo ulit (mag-collab). At pasensya ka na nagkaroon ng isyu.”

“Oo naman, mahirap talaga ka-collab ‘yung mga may (manager).  Hindi naman ako madadala, okay lang,” say nito sa kaibigang aktres.

Seryosong sabi pa ni Aiko, “At sana maintindihan mo rin na prank lang to! Ha-hahaha!”

Napamura si Long at pati si direk Willie ay natawa at sabi ng aktor, “Kung magsalita ka para kang attorney!”

Puro mura na ang lumabas sa bibig ni Long kaya panay ang beep sa video, “Saan ako kukuha ng 400,000. Tapos binuwisit pa ako ro’n sa nagpa-picture kay Aiko tapos sinabing hindi ako kasama.  Asan ka na, hahantingin kita!”

Tawang-tawa ang lahat dahil naisahan nila si Long na natatawa rin pero halatang nairita.

Nang mapanood namin na pinrak ni Long si Aiko ay kaagad kaming nagpadala ng mensahe sa aktres kung ano ang gusto niyang sabihin dahil nga wala siyang alam sa nangyari at nabanggit din namin na mabuti hindi siya napikon.

“Mahaba ang pasensya ko sa mga ganyan Ate.  Hindi ako mapagpatol, pero gaganti ako, abangan mo. Ha-hahaha!” sagot ni Aiko sa amin.

Habang sinusulat namin itong prank ni Aiko kay Long ay almost 10k views na sa isang oras palang niyang ina-upload sa YT 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Anyway, ang revelation ay kakandidato palang konsehal si Long sa Malolos City sa 2022 at pinu-push siya ni Aiko dahil naniniwala siyang magiging mahusay na public servant ang komedyante.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending