Aiko payag bang makipaghalikan at gumawa ng love scene sa pelikula kasama si Long Mejia? | Bandera

Aiko payag bang makipaghalikan at gumawa ng love scene sa pelikula kasama si Long Mejia?

Reggee Bonoan |July 31,2021
facebook
share this

Aiko payag bang makipaghalikan at gumawa ng love scene sa pelikula kasama si Long Mejia?

Reggee Bonoan - July 31, 2021 - 04:18 PM


May offer na comedy film kay Aiko Melendez na ang titulo ay ‘Hubad sa Gubat’ o ‘Hubo sa Kubo’ at ang leading man niya ay si Long Mejia na ang direktor ay si Willie Cuevas na kumpare ng aktres.

Nakipag-meeting si Aiko kina Direk Willy at Long kasama ang writer sa isang restaurant at ipinaliwanag sa kanya ang karakter at kuwento ng pelikula na tawang-tawa ang aktres dahil maganda.

Kuwento ni Direk Willy sa aktres, “Anak ka ng governor at ikaw vice governor pero dahil na-assassinate ang papa mo at may banta rin sa buhay mo, itinakas ka ni Long bilang driver bodyguard mo tapos napadpad kayo sa gubat na hindi na alam kung paano bumalik dahil naligaw kayo.

“At dahil walang tao sa gubat, naghanap si Long ng makakain ninyo kasi gutom na gutom na kayo tapos biglang umulan, basang-basa kayo. At dahil wala naman kayong baong mga damit nabasa kayo tapos naghanap kayo ng masisilungan may nakita kayong kubo na walang tao, so nakisilong kayo.”

Sa nasabing kubo ay may nakitang alak at dahil maginaw daw kaya ininom nina Aiko at Long ang alak hanggang sa nag-init ang pakiramdam nila at may kissing scene at bed scene.

“Huh? may kissing scene? Bed scene?” nagulat na tanong ni Aiko.

“E, ayaw mo ba?” tanong naman kaagad ni Long sa aktres.

“Hindi naman sa ganu’n Long, don’t get me wrong kasi hindi naman ako gumagawa ng ganyan,” paliwanag ng mama nina Andrei Yllana at Marthena Jickain.

Sinabi ni Direk Willy na babaliin ang pagiging komedyante ni Long kaya ganu’n pero comedy naman ang kabuuan. Naayon daw kasi ang kissing at bed scene sa panahong basang-basa sila ng ulan at pareho pang nakainom.

Sabi ni Aiko, “Wait lang po ah kasi ipapaalam ko sa handler ko.”

“Ayaw mo ata? Hindi mo gusto,” diin ni Long.

“Don’t get me wrong Long kasi hindi talaga ako gumagawa ng bed scene, ‘yung kissing scene pag-iisipan ko pa. Sa tagal ko na dito, ngayon pa ba ako magbabago ng image?” paliwanag mabuti ng aktres sa komedyante.

Dagdag pa, “Okay ang kuwento, gusto ko, pero ‘yung kissing at bedscene talaga hindi ko kaya.”

Hindi pa rin sinasagot si Aiko ng handler niya kaya tinawagan na niya pero busy ang linya nito.

Balik-tanong ni Long, “Halimbawa ba na wala kang handler, ikaw mismo ayaw mo o gusto mo?”

“Hindi ko kaya ang bed scene at ‘yung kissing scene pag-iisipan ko,” malumanay na sagot ng aktres.

At kung sakaling matuloy ang shooting ay simulan na agad bago mag-ECQ (Enhance Community Quarantine) ng Agosto 6.

“Teka, may lock-in taping ako ng Primadonnas ng August. Agad-agad ba ito?” hirit ni Aiko.

Medyo nairita na si Long, “hindi ka pa ba gumagawa ng love scene?”

“Once lang kay Richard Gomez (Sa ‘Yo Lamang -1995) bata pa ako no’n,” sambit nito.

“O, hindi naman kami halos nagkakalayo ni Richard Gomez! Dark, tall and handsome. Dark naman ako,” pabirong sabi ng komedyante.

“Oo nga wala naman akong ibig sabihin, hindi kita tinatanggihan, ‘yung eksena lang hindi ko kayang gawin saka hindi ako papayagan ng mga anak ko.

“May tiwala rin ako kay Direk kasi kumpare ko siya at alam ko aalagaan niya ako. Pero hindi ko talaga ginagawa na ‘yun,” pangangatwiran ni Aiko.

“E, di sige kung ganyan tawagan ko na ang producer at sabihin kong ayaw mo o hindi ka puwede para makahanap na lang ng ibang artista. E, kasi paborito ka nitong producer kaya ikaw ang gusto,” kuwento naman ni Long.

At ipinarinig ng komedyante kina Aiko at Direk Willy na may kausap siya sabay sabi sa aktres, “Kilala mo itong producer, eh. si Prank.”

“Sinong Prank?” tanong kaagad ng aktres

“Si Prank, it’s a prank!” Sabay tawa ng malakas ni Long na may dalawang kamera na naka-set-up sa tagiliran at harap ni Aiko na naririnig ang mga pag-uusap nila.

Halatang nairita si Aiko pero idinaan sa tawa, “Ikaw rin kasama? (tanong kay direk Willy). Humanda ka mamaya Long, pinapunta nyo pa ako dito!”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

In fairness nagtagumpay si Long sa pag-prank niya kay Aiko dahil umabot na sa 265k views and still counting sa kanyang YouTube channel.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending