Willie sa paglipat nina Bea, John Lloyd at Pokwang sa GMA: Pabayaan natin kung saan sila masaya…
NAGLABAS na rin ng saloobin ang TV host-comedian na si Willie Revillame tungkol sa mga Kapamilya stars na naglilipatan sa GMA 7.
Ito’y sa gitna nga ng mga intriga at kontrobersya sa pag-ober da bakod ng ilang taga-ABS-CBN sa Kapuso Network tulad nina Bea Alonzo, Pokwang at John Lloyd Cruz, pati na ang viral “basura comment” ng direktor na si Andoy Ranay laban sa mga drama series ng GMA.
Ayon kay Willie, kailangan daw irespeto ang naging desisyon ng mga lumipat sa ibang network dahil siguradong may nga valid reasons ang mga ito sa kanilang naging aksyon.
Siguradong nakaka-relate ang komedyante sa isyung ito dahil nanggaling din siya sa ABS-CBN at TV5 bago naging Kapuso (uli) noong 2015.
Sa isang episode ng “Wowowin” nagbigay ng pahayag si Willie tungkol dito kasabay ng pag-welcome niya kay Johnny Manahan o mas kilala bilang Mr. M sa Kapuso station na consultant na ngayon para sa GMA Artist Center.
Sa pagwe-welcome ni Willie sa sikat na star builder at co-founder ng ABS-CBN Star Magic, nabanggit nga niya ang sunud-sunod na paglipat ng mga Kapamilya stars sa GMA.
“Well, nandito na si Bea, John Lloyd is doing a sitcom here. And then, marami pa naging guest na natin, si Xian Lim, naging guest na natin si Jessy Mendiola.
“Well, abangan n’yo ho, I’m sure maganda hong mga proyekto ang gagawin nila rito,” ani Willie.
Kung matatandaan, nag-guest sina Xian at Jessy sa isang TV special ng GMA para sa isang e-commerce online shopping platform kamakailan ngunit hindi pa naglalabas ng official statement ang Siyete tungkol sa paglipat ng dalawang Kapamilya stars.
Hirit pa ni Willie, “Alam mo ang dapat sa isang istasyon, nagtutulungan. Paganda nang paganda ang mga programa dito. Yung mga teleserye dito, pinapaganda po.
“So, di ba, dapat wala ho tayong mga kompetisyon na ganyan ho, e. Hindi ito ang panahon para tayo maging…kung magdesisyon ang mga artistang lumipat, may sari-sarili tayong buhay, sari-sariling desisyon.
“So, pabayaan natin kung saan sila masaya, di ba?” diin pa ng “Wowowin” host.
Samantala, naniniwala rin si Willie na malaki ang magagawa ni Mr. M para sa mas lalo pang pag-angat at pagsikat ng mga pambatong artista ng GMA.
“My director for almost four years in ABS-CBN, Wowowee, my mentor. Ito ay talagang dignified man, simple man. Kumbaga, andun siya, e, hindi nagsasalita ng hindi totoo, good adviser.
“Welcome to your homecoming home. Homecoming, kasi dito ka naman nagsimula talaga kay Uncle Bob, di ba?” pahayag ni Willie na ang tinutukoy ay ang pagsisimula ni Mr. M bilang singer sa children’s show na “Uncle Bob Lucky 7 Club” sa GMA noong dekada 70.
Sey pa ng TV host, “Marami kang magagawa’t matutulungan dito ang GMA Artist. Siya po ay isa sa mga original director ng Wowowee. Pag ako po ay may mga nararamdamang lungkot, ‘yan po ang tinatawagan ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.