PNP nag-deploy ng COVID-19 protocols officers sa mga lugar na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal
Nagpakalat na ang Philippine National Police ng COVID-19 protocol officers sa Batangas at mga katabing lugar.
Ito ay para masiguro na makasusunod pa rin sa health protocols na inilatag ng pamahalaan kontra COVID-19 ang mga evacuees na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar na nasa pandemya pa rin ang bansa.
“Pati na rin po iyong pag-a-assign ng ating COVID-19 na protocol officers dahil ang gusto nating maiwasan, hindi lamang iyong paglikas, pero to see to it na itong gagawing ito is in observance pa rin ng ating minimum public standard, health standard. Kasi nasa pandemya pa rin tayo at alam natin na hindi natin puwedeng pabayaan iyan ngayon at mayroon tayong paglilikas pero nararapat lamang na inu-observe pa rin natin itong minimum public health protocols,” pahayag ni Eleazar.
Inatasan na rin ni Eleazar si Police Regional Office IV Regional Director, Police Brigadier General Ely Cruz na tumulong sa local government units sa paglilikas sa mga residente.
“At nagbigay rin po ako kahapon ng instruction para magkaroon, mag-establish po ng mga police assistance desk dito po sa Batangas at sa mga katabing lugar para po sa pagtulong,” pahayag ni Eleazar.
Naglagay na rin aniya ng checkpoint ang PNP para masiguro na hindi muna makabalik sa kani- kanilang tahanan ang mga residente dahil nagpapatuloy pa ang banta ng pagsabog ng Bulkang Taal.
“Nagkaroon tayo ng mga checkpoint operations and other presence of our police personnel on the areas na sa tingin natin is puwedeng magkaroon ng ganiyang sitwasyon. Hindi naman ito bago, Usec. Rocky, at nasaksihan natin iyan last year noong pumutok nang una itong Taal Volcano ay ngayon nga na naulit ito but on different level ay in-anticipate na natin itong mga ganitong sitwasyon ay nakahanda ang ating mga pulis augmented by other police personnel in adjacent provinces and the presence also of the Armed Forces of the Philippines,” pahayag ni Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.