Bistek tatakbo pa ba sa mas mataas na posisyon sa Eleksyon 2022?
SA sunud-sunod na proyekto ngayon ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista ay tila wala sa isip niya ang bumalik sa mundo ng politika.
Mukhang ini-enjoy muna niya sa ngayon ang pagbabalik niya sa showbiz na ilang taon din niyang hindi nabigyan ng panahon.
Sa kuwento ni Bistek sa isang mediacon ay nagulat siya na pagkatapos ng termino niya bilang mayor ay ang dami niya agad natanggap na offer.
Nakagawa siya ng serye kasama sina Enrique Gil at Liza Soberano, sinundan ito ng iWant Original movie na “Red Silly Shoes” kasama sina Francine Diaz at Kyle Echarri.
At siyempre nandiyan din ang matagumpay na “The House Arrest of Us” na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla at iba pang programa sa ibang TV network.
Marami ring naka-miss kay Bistek sa pelikula at telebisyon kaya siguro sunud-sunod ang offer sa kanya at sa tingin namin ay dito muna siya mananatili sa showbiz, at saka na lang siya ulit magpopolitika.
Naniniwala kasi kami na kapag may maganda kang nagawa sa constituents mo ay hindi ka makakalimutan kahit ilang taon ka pang nawala.
Ayon naman sa dating alkalde ng Quezon City nang matanong kung may plano na siya sa 2022 elections, ipapaalam daw niya ang kanyang desisyon sa mga susunod na buwan.
* * *
Magiging makulay ang talakan sa social media sa pagbabalik ng “Miss Q & A” sa Kumu app ngayong Hunyo, kaya’t imbitado ang lahat ng mga beki sa buong mundo na sumali sa sikat na tagisan ng kudaan ng “It’s Showtime.”
Nagbukas na ang worldwide auditions para sa bagong edisyon nitong pinamagatang “Miss Q & A: The Search for KUMUkudaan Queen” para sa mga beki na mahilig dumaldal at may edad 18 at pataas.
Para mag-audition, mag-download lang ng Kumu app at magrehistro para makagawa ng account.
Sa sariling account, mag-post ng isang minutong video suot ang palabang outfit, ipakilala ang sarili gamit ang isang pangmalakasang intro, at ipahayag kung bakit karapat-dapat na maging “Miss Q & A KUMUkudaan Queen.”
Sa mismong entry o post, isulat ang pangalan, edad, at ang siyudad o probinsyang pinanggalingan at gamitin ang official hashtag na #MissQandAonKUMU. Kasunod nito, pindutin ang “publish” at ibahagi ang post sa iba’t ibang social media accounts.
Isang video audition bawat Kumu account lamang ang kikilalanin ng “It’s Showtime.” Tatanggap naman ng mga entry ang programa hanggang Hunyo 25.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.