Duterte bilang VP sa 2022: Labag sa Constitution | Bandera

Duterte bilang VP sa 2022: Labag sa Constitution

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
June 04, 2021 - 08:07 AM

Naglabas ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ng isang resolution kung saan hinihimok si Pangulong Duterte na tumakbo bilang vice-president sa May 2022 at mamili ng kanyang running mate sa pagkapangulo. Ang nasabing resolution ay pinagtibay ng National Council ng partido noong Lunes maski ang legalidad ng pagpupulong ng partido ay kinikuwestiyon mismo ng kanilang party acting president na si Senator Manny Pacquiao at ilang miyembro nito.

Alam nating lahat na hindi na maaaring tumakbo sa May 2022 at magsilbing muli bilang pangulo si Duterte dahil ito ay tuwirang pinagbabawal ng ating Constitution. Ang ating Constitution ay klaro, isang termino (term) lang ang pagkapangulo. Walang iksemsyon (exemption) sa tinakda ng Constitution kaya walang duda isang termino lang si Duterte sa pagkapangulo. Pagsapit ng tanghali (12:00 noon) ng June 30, 2022 siya ay isa ng ex-president at hindi na dapat kailan man manungkulan bilang pangulo muli kahit sa ano pa man panahon at pagkakataon. Under no circumstances, ika nga sa English, na maninilbihan muli si Duterte bilang pangulo ng ating bansa pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022.

Kung totoo ngang tatakbo ang Pangulo bilang vice-president sa 2022 alin man dahil sa udyok ng kanyang mga kapartido sa PDP-Laban, o dahil ito talaga ang kagustuhan niya, o mensahe ng diyos sa kanya, ito ay ayon na rin sa kanyang mga alalay sa Malacanang, at kung sakaling mapaniwala niya ulit ang mga botante na iboto siya, maaaring indirectly na malabag ang Constitution na mahigpit na nagtakda na “one term policy” lang ang pangulo. Bilang vice-president mula 2022 hanggang 2028, si Duterte ang hahalili at papalit bilang pangulo kung sakaling mamatay, magbitiw sa katungkulan, ma-permanenteng imbalido o matanggal sa katungkulan ang pangulo na nahalal sa 2022. Hindi natin sinasabi na maaaring makipagsabwatan si Duterte sa pangulong maihahalal sa 2022 na magbitiw sa tungkulin at ibigay ang kapangyarihan ng pangulo muli kay Duterte, bagamat ito ay posibleng mangyari. Ang ating puntos lang ay mailalagay sa sitwasyon si Duterte na maging o magsilbi ulit bilang ating Pangulo. Isang bagay na hindi dapat mangyari dahil ito ay pinagbabawal ng ating Constitution.

Totoo at walang debate dito, na wala naman nakalagay sa ating Constitution na nagsasabi na hindi maaaring tumakbo at magsilbi bilang vice-president si Duterte matapos ang kanyang termino sa June 30, 2022. Pero tayo ay naniniwala at nakikiisa sa pananaw ng iba na hindi maaaring magsilbi bilang vice-president si Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022 dahil indirectly na malalabag ang tinakda ng Constitution na “one term policy” lang ang pangulo. Ang pinagbabawal ng Constitutional ay hindi maaaring gawin ninuman directly o INDIRECTLY. Mas lalo naman na hindi dapat payagan sinuman na i-circumvent ang ating constitution. Ang pagtakbo at pagsilbi bilang vice-president ni Duterte sa 2022 ay maaaring isang circumvention ng ating constitution upang makaiwas sa one term policy. Pero aaminin natin na marami rin ang nagsasabi at nagbibigay ng opinyon na walang paglabag sa one term policy ang pagtakbo at pagsilbi ni Duterte bilang vice-president sa 2022. Masalimuot ang isyung ito lalo pa na wala pang ganitong kaso na umabot at nadesisyunan ng korte. Sa law school lang, sa Political Law class, napapag-usapan at napapag-debatehan ang mga ganitong bagay na matuturing na isang novel issue. Tanging ang ating Supreme Court lamang ang makakapagsabi kung ano ang tamang sagot sa isyung ito kung sakali ngang tumakbo at mahalal bilang vice-president si Duterte sa 2022.

Sa pagtakbo at sakaling pag-upo ni Duterte bilang vice-president, mapapag-usapan at lilikha rin ng malaking ingay at isyu ang immunity from suit nito sa mga official at unofficial acts niya bilang pangulo mula 2016 hanggang 2022. Walang duda na hindi pwedeng idemanda o ihabla si Duterte habang ito ay nakaupo bilang pangulo. Pero pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022, maaari na syang ihabla ninuman at marami ang naghihintay sa pagkakataon at oras nito. Marami ang nagpahayag noon hanggang ngayon na ihahabla nila si Duterte pagkatapos ng termino nito partikular ang mga namatayan ng anak, kapatid, asawa, magulang at kamag-anak dahil sa ipinaiiral na “war on drugs” Maaari bang ihabla si Duterte sa mga ginawa niya noon o nang siya ay pangulo pa, habang ito ay nakaupo bilang vice-president? Maaari bang gamitin ni Duterte ang position niya bilang vice-president at sabihin na hindi siya pwedeng ihabla dahil may immunity siya katulad ng isang pangulo? Ito ang sinasabi ng iba na isa sa dahilan kung bakit gustong tumakbong vice-president si Duterte upang makaiwas sa demanda at kulong. Maramng eksperto sa Constitution ang nagsasabi na walang immunity from suit ang isang vice-president pero may ilan din ang nagpahayag na may immunity ang sitting isang vice-president. Ulit, tanging ang ating Supreme Court lamang ang makakasagot nito.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending