Chito nag-sorry sa composer ng ‘Harana’, kinilabutan nang marinig ang original version
NAG-SORRY ang Parokya Ni Edgar frontman na si Chito Miranda sa composer ng kantang “Harana” na siyang unang hit song ng iconic OPM band.
Nagkausap ang award-winning singer-songwriter at si Eric “Yappy” Yaptangco kamakailan tungkol sa nasabing Parokya ni Edgar classic at dito nga nabunyag ang ilang original lyrics ng kanta.
After almost three decades, inamin nga ni Yappy na may ilang linya sa “Harana” ang hindi nasama sa ini-record ng grupo ni Chito kaya hindi pa ito naririnig ng maraming tao.
Ayon sa composer, una niyang isinulat ang “Harana” noong nag-aaral pa siya sa Ateneo de Manila University (1989) at literal daw talaga itong ginagamit na pangharana ng mga estudyante.
Sa panayam ng programang “Pamilya Talk” ni Jing Castañeda kay Chito, sinabi nitong tradisyon na ang pagpasa sa kanta sa mga sumunod na taon, ngunit nagkaroon na rin ng pagbabago sa awitin hanggang sa nawala na ang ilang lyrics sa kanta.
Kuwento pa ng OPM artist, naging bahagi ang “Harana” sa album na First Note ng kapwa niya Atenista na si Tony Lambino taong 1992. Noong 1997 naman nang i-release ng Parokya ni Edgar ang kanilang version nito na nakasala sa album nilang “Buruguduystunstugudunstuy.”
Sa nasabing panayam, humingi ng paumanhin si Chito kay Yappy dahil sa nangyari, “Sorry, ‘yung version namin, napasa na namin kung ano ‘yung mistake na nagawa namin.”
“‘Yung mistake iba na ‘yung chords namin, slightly different ‘yung melody from the original, and kulang kami ng isang stanza,” aniya pa.
Sagot naman ni Yappy sa kanya, “Chito, hindi siya mistake. Actually, natutuwa nga ako na ‘pag naglabas ka ng komposisyon, may buhay na siya. May buhay na siyang sarili, may connection na siya sa iba-ibang tao.”
Samantala, tuwang-tuwa naman si Chito nang una raw niyang marinig ang original composition ni Yappy, “Amazed na amazed ako kasi kumbaga, meron kang narinig na urban legend tapos after telling the story so many times na iyon na ‘yung truth na pinaniwalaan ng tao, maririnig mo ‘yung original version.”
“I can hear the small differences, and it’s so interesting for me. Sorry, blown away lang ako,” aniya pa.
At nang marinig daw niya ang nawawalang lyrics sa kanta, “Kinilabutan ako! Iyon ang hindi ko alam! Sobrang galing. Nakakakilabot ‘yung last part. Bakit hindi sa amin umabot ‘yun? It completes the story, ‘yung dulo.”
Mensahe pa ni Chito, “We’re just so thankful na, by chance, umabot sa amin ‘yung song. Honestly, it’s a huge part of Parokya’s career. It’s our first number one hit, e, so ang laking bagay talaga. We’re just very thankful.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.