Maine: Parang lahat po ng ginagawa ko sa buhay ko, kinakabahan ako!
KAHIT ilang taon nang nagho-host at nag-aartista si Maine Mendoza ay aminado siyang patuloy pa rin ang pag-atake ng kanyang stage fright.
Six years na ang Phenomenal Star sa entertainment industry pero aniya, palagi pa rin siyang inaatake ng nerbiyos kapag sumasampa at pumapagitna na siya sa stage.
Nagsimulang sumikat ang dalaga dahil sa phenomenal loveteam nila ni Alden Richards na AlDub, na nabuo sa super hit na “Kalyeserye” ng “Eat Bulaga.” At mula nga noon, hindi na napigilan ang kanyang tagumpay.
Sey ni Maine, feeling niya ay lagi siyang first-timer sa pagho-host dahil grabe ang nerbiyos niya kapag humaharap na sa mga camera.
“Parang lahat po ng ginagawa ko sa buhay ko, kinakabahan ako! Totoo. Kahit every day na kaming nagbu-Bulaga, every time na mag-step ako sa stage, talagang hindi pa rin nawawala yung kaba.
“Parang first time siya ulit sa akin. Parang hindi ko alam kung paano siya gawin,” ang paliwanag ng dalaga sa virtual presscon ng latest reality talent search ng TV5, ang “PoPinoy.”
“So, ayun, hindi talaga siya mawala for me. Sobra talaga siya sa akin. Hanggang ngayon, problem talaga siya sa akin.
“Hindi ko alam kung paano i-handle ang kaba sa stage, pero nagagawa ko naman. Parang I’m getting by,” dagdag pang paliwanag ni Maine.
Nagpapasalamat din ang TV host-actress sa kanyang “Eat Bulaga” family dahil talagang araw-araw ay may mga natututunan siya sa mga ito pagdating sa hosting.
Ang madalas na nakakasama ngayon ni Maine sa nasabing noontime show ay sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.
“It depends on the people you’re with. The people you’re working with. Parang they’re making the setting comfortable for you.
“Parang du’n mo na rin nalalabas, dun mo na rin slowly nagagawa yung trabaho,” chika ng girlfriend ni Arjo Atayde.
Aniya pa, “Nakukuha ko lang din yung energy ng mga kasama ko, mga katrabaho, and parang nagiging comfortable na rin ako working with them, working around them.
“Parang tuloy-tuloy na din and siguro dahil kailangan ko siyang gawin, wala akong choice. Parang kailangan mong mairaos and kailangan mo siyang mairaos in your best way as possible.
“Ayaw mo namang mapahiya sa TV kasi baka may masabing mali o di maganda. So, parang kailangan mo na lang pakalmahin ang sarili mo kasi wala ka nang magagawa.
“Kapag nandiyan na, kailangan mo nang ibigay. Kailangan mo nang humarap sa mga tao, gagawin mo na lang ang kailangan mong gawin.
“At the end of the day, yun lang naman ang kailangan natin, ma-survive sa araw na ito,” lahad ng TV host.
Si Paolo Ballesteros ang magiging co-host ni Maine sa “PoPinoy” habang magsisilbi namang “head hunters” ng programa sina Maja Salvador, JayR, Kayla Rivera at DJ Loonyo.
Dito hahanapin ng head hunters ang pinakamagagaling na boy band at girl band kung saan kukunin ang magiging pambatong Pinoy Pop o P-Pop talents ng bansa.
Magkakaroon ng primer ang “PoPinoy” sa June 6, 8 p.m.., sa TV5 habang ang bonggang grand launch naman nito ay magaganap sa June 13.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.