Sino ang dapat sisihin sa pagtaas ng Covid-19? Ang tao ba o ang Pangulo?
Ibang Pananaw - March 24, 2021 - 07:16 PM
Sumipa ang bilang ng may Covid-19 sa higit na 8,000 nitong linggo at inaasahan pang tataas ito sa higit na 10,000 sa mga susunod na araw. Sa ganitong sitwasyon, kailangan na sigurong tignan at tukuyin ang naging dahilan ng biglang pagtaas upang mabigyan ng solusyon ito.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Doque, ang hindi pagsuot o tamang paggamit ng face mask at face shield pati na ang hindi pagsunod sa mga pinatutupad na health protocols ang sanhi ng biglaang pagtaas ng bilang ng Covid-19 infected person. Sinabi rin ng DOH secretary na dahil sa pagluwag sa pinaiiral na quarantine at pagbukas ng malaking bahagi ng ekonomiya, nagkaroon ng interaction ang mga tao na nagdulot naman ng transmission o paghawa ng sakit. Ang puntos na ito ay kontra naman sa pananaw ni DTI Secretary Ramon Lopez na naniniwala na hindi nagdulot ng pagdami ng sakit ang pagbubukas ng ekonomiya. Maaari rin daw, ayon kay Secretary Duque, na nakadagdag sa pagtaas ng bilang ang pagsulpot ng mga bagong vaccine variants tulad ng UK at African variants.
Ano nga ba talaga ang dahilan ng biglaang pagsipa ng bilang ng Covid-19 infected person? Sino ang nagpabaya? Sino ang dapat managot? Sino ang dapat sisihin? Ang mga tao ba o ang Pangulo?
Sa aking pananaw, nagpabaya, nagkulang, at hindi nagawa ng gobyerno (o pamahalaan) ang moral at legal obligations nito para mapigilan ang biglaang pagdami at pagtaas ng Covid-19 infected person.
Walang malinaw na patakaran (policy) na ginawa ang gobyerno, partikular ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), kung papano pipigilan ang mabilis na pagdami ng Covid-19 infected person sa ganitong sitwasyon. Ang mga dahilan ng mabilisang pagdami ng sakit ay alam at naitukoy na ng DOH at IATF bago pa man ito sumipa pero bakit walang malinaw na patakaran na ipinatupad ang mga ito. Kung mayroon man patakaran ang DOH at IATF tungkol dito, bakit kailangan pang dumami muna ang sakit bago kumilos at ipatupad ang mga ito? Bakit hindi ginawa at ipinatupad ang mga patakarang ito bago pa dumami ang may sakit?
Ito ay isang malaking pagkukulang sa parte ng DOH at IATF na nagpapakita na kulang ang mga ito ng diskarte kung papaano mapipigilan ang pagdami ng sakit sa mga ganitong sitwasyon. Tanging ang ating bansa at Indonesia sa mga Southeast Asian countries ang nakaranas ng ganitong biglaang pagtaas ng Covid-19 sa loob ng linggong ito.
Nawala rin ang “moral ascendancy” ng gobyerno na ipatupad ang mga health protocol at patakaran laban sa pagdami ng COVID-19. Nilabag ng ilan sa mga namumuno ang patakaran at health protocols. Ang mga opisyal na ito na hindi alam ang leadership by example at pinapakita na sila ay mga taong may pribilehiyo at angat sa iba ang ilan sa dahilan kung bakit karamihan sa ating kababayan ay hindi rin sumusunod sa mga health protocols. Papaano nga natin mapapasunod ang mga tao na sundin ang mga health protocols at patakaran kung ang mga nagpapatupad nito ay hindi rin sumusunod.
Ang nakakapagtaka ay ang pagsasawalang kibo ng Malacañang tungkol sa mga ganitong pangyayari. Imbes na parusahan ang mga ito upang maging halimbawa sa sambayan, sila ay pinagtanggol at kinunsinti.
Kulang din ang kakayanan ng mga namumuno sa mga ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng mga patakaran upang labanan ang pandemyang Covid-19. Kasama tayo sa mga maraming nananawagan na panahon na upang palitan ang mga namumuno sa mga ahensyang ito. Maglagay ng mga bagong mamumuno dito na may kaalaman sa siyensya at pandemyang Covid-19 gaya ng mga medical doctor, virologist at iba pa na may karanasan at sapat na aral tungkol dito.
Ang pagkabigo ng ating gobyerno na makakuha at makabili ng vaccines sa madaling panahon ay nagdagdag din sa problema ng pagdami ng Covid-19. Ang kapabayaang ito ay magdudulot pa rin ng maraming problema tungkol sa kalusugan ng mga tao sa mga darating na panahon.
Nakakalungkot na hindi pa rin ginagawa ng gobyerno ang malawakang testing at contact tracing na maaring makapagpigil sa pagkahawa hawa ng mga tao. Ang dahilan ay kulang daw sa pondo. Kung ang testing at contact tracing ay binigyan lamang ng gobyerno ng tamang panahon at pondo, malaki ang maitutulong nito sa pagpigil ng pagdami ng Covid-19 infected person. Ang testing at contact tracing ay subok ng mabisa sa ibang bansa kaya hindi natin maintindihan kung bakit hindi ito ginagawa sa atin.
Ang mga tao ay hindi dapat sisihin sa biglaang pagtaas ng may Covid-19. Sila ay biktima ng sakit na maaaring naiwasan kung ang ating gobyerno at ang mga namumuno nito ay ginawa lamang sana ang mga responsibilidad nila.
Responsibilidad ng Pangulo bilang pinakamataas na lider ng executive branch ang magtakda at magpatupad ng mga state policies tulad ng mga patakaran kaugnay sa pagtugon sa pandemyang Covid-19. Ang DOH at IATF ay nasa ilalim ng kanyang opisina at control power. Nasa kamay ng Pangulo kung ang pagdami ng may Covid-19 ay mapipigilan o hindi. Ang Pangulo lamang ang makakagawa nito and the “ buck stops with him” ika nga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.