Tinalo ba natin ang COVID-19, matapos ang isang taon? | Bandera

Tinalo ba natin ang COVID-19, matapos ang isang taon?

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
March 17, 2021 - 04:01 PM

Reuters

Isang taon na ang nakalipas ng idineklara at isinailalim ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 929 (dated March 16, 2020), ang buong bansa sa State of Calamity dala ng pandemyang COVID-19. Isang taon na rin tayong nasa ilalim ng iba’t-ibang klaseng quarantine upang mapigilan ang paglaganap ng sakit na ito.

Nakita at nasubaybayan natin ang mga patakaran (policy) o paraan na sinulong at ginamit ng pamahalaan upang labanan at pigilan ang paglaganap ng COVID-19 at maibsan ang kahirapan ng sambayanan.

Matapos ang isang taon, ating balikan, himayin at tignan kung nagampanan ba ng pamahalaan ang mga obligasyon nito sa panahon ng pandemya.

Tinalo ba natin ang COVID-19?

Sa aking pananaw, hindi nagampanan ng pamahalaan ang tungkulin at obligasyon nito sa sambayanan sa nakalipas na isang taong pandemya. Ang unang-una na dito ay ang kabiguan natin makakuha ng vaccine kontra sa COVID-19 sa madaling panahon. Alam na ng mga mamumuno sa pamahalaan, at ilang ulit na rin nilang ipinahayag na ang tanging solusyon sa pandemya ay mabakunahan ang mga tao. Pero bakit parang walang ginawa ang pamahalaaan para maagang nakakuha at nakabili ng vaccine. Dapat sa simula pa lamang ng pandemya, tinutukan na ng pamahalaan ang agarang pagbili ng mga vaccine sa iba’t-ibang bansa. Nagawa ito ng mga ibang bansa pero bakit hindi natin ito ginawa. Ito ba ay dahil mas gusto ng pamahalaan na kumuha at bumili tayo ng vaccine na gawa sa China? Ito ba ay parte ng geopolitics? Walang duda na ang pagkabigo natin makakuha ng agarang vaccines ay magkakaroon ng malaking (at masamang) epekto kung papaano natin lalabanan at sosolusyunan ang pandemya.

Hindi maikakaila na hanggang ngayon, bukod sa donated na 600,000 doses na Sinovac at 525,000 doses na AstraZeneca, wala pa rin katiyakan kung kailan talaga darating sa ating bansa ang mga vaccine na maaaring magamit ng ating mga kababayan. Tayo ang pinakahuli o pinakakulelat sa pagbili at pagkuha ng vaccine sa buong Southeast Asian countries. Nakakahiya man sabihin na mas naunahan pa tayo ng mga mas mahihirap na bansa tulad ng Bangladesh sa pagkuha at pagbili ng vaccine.

Pangalawa sa pagkukulang ng pamahalaan ay ang mga maling ipinairal na patakaran kung papaano sosolusyunan ang pandemya. Kasama na dito ang pagbalewala o hindi pagsunod mismo ng mga namumuno na sundin ito.

Ilan sa patakaran na nilabas upang labanan ang pandemya ay base sa politika o military solution. Ito ay dahil na rin sa maling mga taong itinalaga para pamunuan ang ilan sa mga ahensya ng gobyerno na may tungkuling solusyunan ang pandemnya. Ang COVID-19 ay isang sakit na dapat solusyunan na naaayon sa siyensya o agham (science). Ang kailangan natin ay mga virologist o medical doctor na may sapat na kaalaman sa ganitong klaseng sakit at hindi politiko o sundalo.

Ang mga patakaran tinakda ng pamahalaan, lalo na ang health protocol tungkol sa social gatherings at pagkuha at paggamit ng vaccine ay nilalabag mismo ng mga namumuno at nagpapatupad nito. Paano susundin ng mga tao ang mga health protocol na ipinaiiral ng pamahalaan kung ang mga namumuno na dapat magpatupad nito ay sila mismo ang lumalabag dito. Papaano natin sasabihan ang mga tao na huwag gumamit ng vaccine na wala pang approval ng FDA kung ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ay nauna na ng nagpabakuna ng Sinopharm. Kung gusto ng pamahalaan na sumunod ang tao sa ipinaiiral na health protocol, ipakita sana ng mga namumuno na sila ay tumutupad dito. Leadership by example ika nga.

Ang pangatlo ay kulang sa pagtuon o pagtutok (focus) ang pamahalaan kung papaano solusyunan ang pandemya. Imbes na tutukan kung paano mapipigil ang pagkalat ng sakit o maibsan ang financial na paghihirap ng mga tao dahil sa pandemya, nilaan ng ilan sa mga namumuno ang oras at pera ng gobyerno sa ibang bagay. Sa kainitan ng pandemya, ipinasara ang ABS-CBN kasama ang ilan nitong TV at radio stations. Sa gitna rin ng pandemya, isinulong at ipinasa ang Terror Law. Sinusulong ngayon sa Kongreso ang Cha-cha habang tumataas ang bilang ng COVID-19 infected person. Nasaan ba talaga ang priority ng pamahalaan?

Kung inukol sana ng mga namumuno sa pamahalaan ang oras at pera ng bayan sa pag mass testing, contact tracing at pagkuha ng vaccine imbes sa pamumulitika, mas naibsan ang paghihirap ng taong bayan. Sa ngayon ang kailangan ng taong bayan ay bakuna hindi politika.

Ang pang apat ay ang trust issue. May pagdududa ang ilan na may corruption sa mga pagbili ng mga gamit para labanan ang COVID-19. Inimbistigahan noon ng Senado ang pagkuha at pagbili ng mga Personal Protective Equipments (PPEs) na sinasabing overpriced. Ganoon din ang presyo ng mga vaccine lalo na yung gawang China. Ang ganitong klase ng corruption, kung ito nga ay totoo, ay hindi dapat pinalalampas at hinahayaan. Ito ay masasabing pinakamataas na uri ng corruption.

Tumataas na naman ang bilang ng COVID-19 infected person (5,404 noong March 15) at inaasahan na tataas pa ito kung walang epektibong aksyon na gagawin ang pamahalaan. Oras na para palitan ang mga hindi epektibong paraan na ginamit sa loob ng isang taon. Habang hinihintay pa ang vaccine, ipatupad at gawin sana ang testing at contact tracing upang maski papaano ay mapigilan ang pagdami ng sakit.

Sa ibang punto, nakatulong naman maski papaano ang perang ayuda na pinamigay ng pamahalaan ng una tayong mag lockdown (ECQ). Malaking bagay ito lalo na sa mga naghihirap nating kababayan. Ang pagpasa ng Bayanihan Law 1 and 2 ay nakatulong din sa ating ekonomiya.

Ang mga perang ginamit at tinustos para labanan ang COVID-19 at maibsan ang paghihirap ng sambayanan ay galing sa taong bayan o inutang na babayaran din natin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Panahon na siguro na mag accounting at sabihin ng ating pamahalaan kung papaano ginastos ang mga perang ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending