Jamie Rivera game sumabak sa aktingan; ‘We Give Our Yes’ music video para sa 500 Years of Christianity viral na
INILUNSAD na ng Inspirational Diva na si Jamie Rivera ang isa na namang tagos sa pusong awitin na “We Give Our Yes,” ang official mission song ng pagdiriwang ng “500 Years of Christianity” sa Pilipinas na nagsimula ngayong buwan.
Ibinahagi ni Jamie ang kanyang karangalan sa pag-awit ng kanta sa ginanap na “We Give Our Yes” virtual media conference ng Star Music kahapon.
Aniya, “I think this is really my mission, a mission for me to be able to give people a prayer and, at the same time, they could sing with it as well.”
Inawit ito ni Jamie sa isang bigating performance sa “ASAP Natin ‘To” noong Linggo kasama ang The Company at iba pang Kapamilya singers na sina Erik Santos, Jeremy Glinoga, Jed Madela, Jason Dy, at Nyoy Volante.
Una niyang inawit ang “We Give Our Yes” sa Manila Cathedral sa pagsisimula ng Archdiocese of Manila ng 500 Years of Christianity festivities noong Peb. 6.
Samantala, inilabas na ng Star Music noong isang Linggo ang “We Give Our Yes” music video. Kasama ang lyric video nito, may higit 150K combined views na ang kanta sa Star Music YouTube channel.
Si Frank Mamaril ang nagdirek ng music video na kinuhanan sa Manila Cathedral at nagtatampok din ng mahahalagang Catholic Church events ng nakaraan.
Makikita rin dito si Jamie na suot ang gown na ginawa ng Filipino fashion designer na si Mak Tumang.
Unang kinomisyon ang kantang “We Give Our Yes” ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa pag-alala sa ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansa.
Hatid nito ang mensahe ng pananampalataya at pag-asa sa gitna ng mga pagsubok at reminder para sa mga Pilipino na patuloy na mag-‘yes’ sa misyon ni Hesus.
Ang multi-awarded church composer na si Fr. Carlo Magno Marcelo ang siyang sumulat ng “We Give Our Yes” at prinodyus naman ng multi-awarded hitmaker at ABS-CBN Music creative director na si Jonathan Manalo ang rendisyon ni Jamie.
Pakinggan na ang “We Give Our Yes,” sa iba’t ibang music streaming services.
* * *
Natanong namin si Jamie Rivera sa kanyang virtual mediacon kung payag ba siyang sumabak sa aktingan sakaling may mag-offer sa kanya na gumawa ng inspirational movie o teleserye tulad ng “May Bukas Pa” noon ng ABS-CBN.
“Ah, siyempre. Oo, naman. Lahat ng opportunities na dumarating sa atin, siyempre iko-consider mo. Pero kailangan mo munang pag-aralan yung story, kung saan patungo yung plot and other things,” sabi ni Jamie.
Sa ngayon, aniya, ipinauubaya na raw niya ang kanyang acting career kay Lord.
Kung bibigyan siya ng chance na maka-inspire sa pamamagitan ng pag-arte, gagawin niya ito nang buong puso at kaluluwa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.