Vice ibinandera ang pagmamahal sa nanay ni Ion; 5th Film Ambassadors’ Night ng FDCP tuloy pa rin
IBINANDERA ni Phenomenal Box-Office Star Vice Ganda sa madlang pipol ang kanyang pagmamahal sa nanay ni Ion Perez.
Sa Instagram, nag-post ang boyfriend ni Vice ng isang litrato kasama ang kanyang nanay na si Mommy Zeny na nagdiwang ng kaarawan kahapon.
“Basta ako, mahal ko nanay ko! Happy birthday, Nay! I love you,” ang mensaheng inilagay ni Ion sa caption ng kanyang IG post.
Sa comment section, ipinahayag ni Vice ang pagmamahal sa ina ng kanyang pinakamamahal na boyfriend. Aniya, “I love Nanay Zeny!!!”
Naghatid naman ng good vibes ang pagbating ito ni Vice sa nanay ni Ion na nagpapatunay lang na tanggap na tanggap talaga ng kani-kanilang pamilya ang kanilang relasyon. Kung hindi kami nagkakamali, magtatatlong taon na rin silang magdyowa.
Kung matatandaan, inamin ni Ion sa isang vlog nila ni Vice na naaapektuhan din siya ng mga negatibong comments mula sa mga bashers na nagdududa pa rin sa tunay na motibo niya sa pakikipagrelasyon kay Vice.
Sabi ni Ion ang pinakamasakit na komentong nabasa at narinig niya ay, “‘Yung sinabihan din ‘yung nanay ko na mukhang pera, ‘yun ang pinakamasakit sa akin.
“Sa akin, okay lang, tanggap ko ‘yon. Pero ‘yung sa nanay ko, parang, nakasama ko ‘yon, alam ko ang ugali noon, nakasama ko sa hirap, hindi naman ganun ‘yon.
“‘Yun ang pinakamasakit na narinig ko sa tao na sinabi nila na mukha raw pera ang nanay ko,” chika ng binata.
* * *
Kahit na maraming pagsubok dahil sa COVID-19 pandemic, nakamit pa rin ng Philippine Cinema ang maraming international na parangal noong 2020.
Ang mga Filipino filmmaker, aktor, at pelikula na nakatanggap ng international na parangal mula sa established na film festivals at award-giving bodies sa nakaraang taon ay bibigyan ng parangal sa ika-5 Film Ambassadors’ Night (FAN).
Bilang pagsuporta sa National Arts Month ng National Commission for Culture and the Arts, isasagawa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang FAN online sa Peb. 28. Ang FAN ay suportado ng Cultural Center of the Philippines sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng Philippine Philharmonic Orchestra.
Isang taunang pagtitipon ang FAN, na sinimulan noong 2017, at isinasagawa ito ng FDCP para kilalanin ang filmmakers na may international na parangal na nakapagbigay karangalan sa bansa. Dahil sa napakaraming COVID-19 restrictions, ang FAN ay ipalalabas sa pamamagitan ng live streaming sa Facebook pages at YouTube Channel ng FDCP.
Ani FDCP Chairperson at CEO Liza Dino, “We laud the honorees for their artistry and perseverance, and these were not hindered even when the global cinema industry suffered so much. Our filmmakers still managed to put the spotlight on Philippine Cinema amid the pandemic, and for that we are grateful.”
Mahigit sa 266 filmmakers ang kinilala ng FAN sa loob ng apat na edisyon. Noong 2020, kabilang sa A-List Winners na nanalo sa A-List international film festivals ang “Verdict” ni Raymund Ribay Gutierrez na napanalunan ang Special Jury Prize sa Horizons (Orizzonti) section ng Venice International Film Festival sa Italy.
Ang iba pang A-List Winners ay sina “Mindanao” direktor Brillante Mendoza na nagwagi para sa Best Artistic Contribution sa Cairo International Film Festival sa Egypt, “Mindanao” aktres Judy Ann Santos na nanalong Cairo Best Actress, “Aswang” ni Alyx Ayn Arumpac na nanalo ng FIPRESCI Prize sa International Documentary Film Festival Amsterdam (IDFA) sa Netherlands, at Jun Robles Lana na naging Best Director para sa “Kalel, 15” sa Tallinn Black Nights Film Festival sa Estonia.
Sa Peb. 28, tampok sa bagong batch ng Filipino film ambassadors ang Camera Obscura Awardees at A-Listers. Ang iba pang kategorya ng FAN ay Short Films, Documentaries, Technical Awards, Acting Awards, at Feature Films.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.