Ice kay Liza: Sa iba, naiinis sila pero sa akin, ang hilik mo parang musika!
PUNUNG-PUNO ng pagmamahal ang open letter ng OPM icon na si Ice Seguerra para sa kanyang asawang si Liza Diño bilang selebrasyon ng kanilang 12th anniversary.
Inalala ng award-winning singer-songwriter ang muling pagkikita nila ni Liza matapos magkanya-kanya ng landas mahigit isang dekada na ngayon ang nakararaan.
Ibinahagi ni Ice sa kanyang Facebook page ang ilang sweet photos nilang mag-asawa na kuha sa iba’t ibang lugar na kanilang pinuntahan at binisita, kalakip nito ang kanyang mensahe para sa pinakamamahal na asawa.
“Habang natutulog ka tinititigan ko lang ang iyong mukha. Binibilang ko ang puting buhok na ngayo’y dumami na.
“Dati tatlo lang ngayon medyo hindi ko na mabilang, hindi lang obvious dahil bagong salon ka pero alam kong anjan sila,” simulang pagbabahagi ni Ice.
Baka Bet Mo: Ice in-explain ang pagdami ng letra sa LGBTQIA+: Sobrang weird for me…
Patuloy pa niya, “Wala pa namang mga linya ang iyong mukha, masipag ka kasi maglagay ng beauty products at face mask at sadyang mala labanos lang ang kutis mo.
“Pinapakinggan ko ang iyong paghinga. Noon, marahan lang ang hilik, pero ngayon parang motorsiklong umaarankada na.
“Sa iba, naiinis sila. Pero sa akin, ang hilik mo ay parang musika. Inaabangan ko pa kasi iba ang saya ng puso ko kapag malalim ang iyong pahinga,” pag-alala pa ni Ice sa patungkol sa kanyang wifey.
“Sa ikawalong araw ng Henero tayo nagkitang muli. Pagkatapos ng mahabang panahong dinala tayo ng tadhana sa kung saan.
“Labindalawang taon na ang nakaraan, hindi ko pa rin malilimutan ang aking naramdaman nu’ng nakita ko ang mukha mong walang kasing ganda.
“Labindalawang taon ko nang tinitignan ang iyong mukha. Sa bawat pag tulog at pag gising at sa lahat ng oras na bumubuo sa isang araw.
“Hinding hindi ako nagsasawa at habang tinititigan kita mas lalo akong nahuhulog,” ang pagbabahagi pa ng aktor at premyadong OPM artist.
Umaasa rin si Ice na panghabangbuhay na ang pagsasama at pagmamahalan nila ni Liza bilang married couple.
“Ang sarap tumandang kasama ka, Liza. Gusto ko na ako ang nagpapatawa sa iyo at nagpupunas ng mga luha mo. Salamat dahil ako ang pinili mong makasama at maging saksi ng buhay mo.
“Mahal na mahal kita. Labindalawang taon hanggang habangbuhay,” ang mensahe pa ni Ice para kat Liza.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.