Joed Serrano sumugod sa OMB para ireklamo ang mga namirata sa ‘Anak Ng Macho Dancer’
SUMUGOD ang actor-producer na si Joed Serrano sa tanggapan ng Optical Media Board (OMB) para ireklamo ang mga taong namirata sa pelikula nilang “Anak ng Macho Dancer.”
Ngayong araw, personal na nagtungo si Joed sa OMB at ibinigay sa mga operatiba ng ahensya ang listahan ng mga pangalang sangkot umano sa “illegal reproduction” ng kanilang pelikula.
Kasama niyang nagsampa ng nagreklamo ang ilan sa cast members ng movie na nadismaya rin sa ginawang pamimirata sa pinagpaguran nilang proyekto.
“Masakit on our part. Wala kayong puhunan, hindi kayo umarte, hindi kayo naghubad, wala kayong ginawa, umupo lang kayo, nag-download kayo at binenta niyo. That is so unfair,” ang pahayag ni Joed sa isang panayam.
Ayon pa sa aktor at film/event producer, ginagawa nila ang lahat para makatulong sa naghihingalong local film industry pagkatapos ay nanakawin lang ang kanilang mga pelikula.
Kailangan daw maturuan ng leksyon ang mga sindikato sa ilegal na pagre-reproduce at pagda-download ng mga pelikulang ipinalalabas sa mga online at digital platforms dahil maituturing din itong pagnanakaw.
Nagkaroon ito ng online at virtual premiere night last Saturday pero mabilis nga itong napirata ng mga sindikato sa internet.
Mismong si OMB Chairman Christian Natividad pa ang nagpakita kay Joed ng pirated DVD copy ng nasabing pelikula na nakumpiska nila sa isinagawang surprise raid sa Quiapo kagabi.
Ang “Anak ng Macho Dancer” ay idinirek ni Joel Lamangan na pinagbibidahan nina Sean de Guzman, Allan Paule at Jaclyn Jose. Kasama rin dito ang mga baguhang sina Ricky Gumera, Mico Pasamonte with Jay Manalo and Rosanna Roces.
Tumatalakay ito sa walang kamatayang issue ng male prostitution at ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.