23,000 Katoliko dumalo sa Pista ng Itim na Nazareno sa kabila ng banta ng Covid-19
Umaabot sa 23,000 deboto ang tumungo sa Quiapo para sa pista ng Itim na Nazareno sa kabila ng pakiusap ng mga opisyal na manatili na lamang sa kanilang tahanan dahil sa panganib ng pandemya.
Kanselado ang tradisyunal na prusisyon at pahalik sa pinaniniwalaang mapaghimalang Nazareno habang mahigpit na ipinatutupad ang social distancing at iba pang panuntunan para masawata ang pagkalat ng Covid-19.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, ang apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, kaagapay ng mga mananampalatayang Pilipino ang Diyos sa harap ng pandemyang sinusuong ng mundo.
“Ang Poong Nazareno ay ang pag-ibig ng Diyos. Ang ating Panginoon [ay] nakikiisa sa ating kalagayan lalung-lalo na po ngayon na mas naging mahirap ang buhay dahil sa pandemya,” ani Pabillo sa kanyang homily sa unang misang isinagawa ngayong Sabado sa Minor Basilica of the Black Nazarene.
“Maraming nawalan ng trabaho, maraming nakakulong lamang sa ating mga bahay, ating mga barrio, mga barangay, ngunit alam natin nandiyan ang Diyos, nakikiisa sa atin,” dagdag pa niya.
Ang Pista ng Itim na Nazareno ay taunang dinadayo ng milyong deboto. Ang prusisyon ng estatwa ni Hesus na nagmumula sa Quirino Grandstand sa Luneta ay karaniwan nang inaabot ng madaling araw bago maibalik sa katedral sa Quiapo.
Noong nakaraang taon, umabot sa 2.37 milyong Katoliko ang nakiisa sa Traslacion.
Pero dahil sa Covid-19, kinansela ang prusisyon at sa halip ay nagdaos ang basilica 15 misa na naka-livesream din kaalinsabay ng pakiusap sa mga deboto na huwag dumagsa sa Quiapo.
Itinakda ng mga opisyal na hanggang 400 lamang ang maaaring makapasok sa simbahan kada misa kung kaya’t matiyagang nakapila ang mga deboto habang matyagang nagbabantay ang mga pulis para masigurong nasusunod ang mga alituntunin ng quarantine gaya ng social distancing, pagsusuot ng facemask at face shield.
Umaabot na sa 483,000 ang kaso ng coronavirus sa Pilipinas at 9,300 ang naitalang namatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.