Carol binago ang diskarte sa pagdidisiplina ng anak nang manirahan sa US
IBANG-IBA raw talaga ang sistema at paraan ng pagpapalaki ng mga anak sa ibang bansa kumpara rito sa Pilipinas.
Yan ang inamin ng dating singer-actress na si Carol Banawa na nakabase na ngayon sa Amerika kasama ang asawang si Ryan Crisostomo at dalawang anak na sina Chelsea at River.
Sey ng dating Kapamilya star, iba ang naging paraan ng pagpapalaki at pagdidisiplina niya sa mga anak nang manirahan na sila sa Amerika dahil na rin sa naiibang kultura roon.
Kung sa Pilipinas ay tahimik lang ang mga anak kapag pinagagalitan ng magulang, sa US daw ay talagang sumasagot at nangangatwiran ang mga ito.
“Tayo sa Pilipinas kapag pinagsasabihan ka, kinakausap ka ng parents mo, huwag kang sasagot. Tahimik ka lang. Dito hindi, sumasagot sila. And they are very outspoken,” pahayag ni Carol sa online talkshow na “Just In” hosted by Paolo Contis.
“Tapos kapag inano mo na bakit ka sumasagot? Mag-e-explain siya talaga na, ‘you told me that I have to explain myself, and I have to fight for what I know.’
“Iba ‘yung generation natin. Sa Pilipinas naman maybe not as outspoken as the kids here ‘yung generation now, pero iba na rin ang generation ng kids diyan, e,” paliwanag ng OPM singer.
Ang paniniwala ni Carol na isa ring frontliner sa US bilang nurse, “I think it has a lot to do with social media generation. It gives you so much power to say what you want and parang ‘yung mga tao, this is my page, this is my Twitter account or whatever.”
Iba naman ang paniniwala ng asawa niyang si Ryan pagdating sa pagdidisiplina ng mga anak, hindi raw dapat bini-bend ng mga magulang ang kanilang rules.
“‘Yung sinasabi ni Ryan, nu’ng asawa ko, why would you bend ‘yung mga rules or mga beliefs just to accommodate ‘yung now, kung ano ‘yung meron now.
“Kaya lang, at the same time, kailangan e, kasi hindi talaga magmi-meet. Not to bend pero you have to meet halfway. There has to be that middle ground. Otherwise, wala giyera talaga. Hindi talaga kayo magkakasundo,” paliwanag ni Carol.
Sa ngayon, ipinagbubuntis ng singer-actress ang ikatlong anak nila ni Ryan at nakatakdang manganak sa 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.