Barbie, Ritz napagtripan ng dwende; Yamyam nagbukol-bukol ang katawan dahil sa engkanto
ILAN sa cast members ng pelikulang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” ay naniniwala talaga sa albularyo o faith healer.
Sakto ito sa kuwento ng pelikula ni Vhong Navarro na entry sa Metro Manila Film Festival 2020 at mapapanood simula sa Dis. 25 hanggang Enero 8 mula sa Cineko Productions at Star Cinema.
At dahil ikalawang beses na itong pagganap ni Vhong bilang albularyo ay ano ang natutunan niya at kung may mga nakausap siyang nanggagamot talaga para magampanan niya nang tama ang kanyang karakter.
“Wala talaga akong nakausap na albularyo, hindi ako nakapag-research ng totoong albularyo kasi binase ko kung ano ‘yung ginawa ni To-Chiquits (yumaong comedian na si Chiquito) dati kung paano nila ikinuwento sa akin, kung paano ‘yung ginagawa niyang panggagamot. Kumbaga faith healer sila at kung gagaling ka ba o hindi.
“Itong part two kasi ng ‘Mang Kepweng’ ay privilege dahil ito ‘yung kauna-unahang pelikula ko na nagkaroon ako ng part two, ang sarap kasi nagustuhan ng mga tao.
“Nagustuhan ng producer, nagtiwala muli at kasama ako sa pagbuo ng ‘Mang Kepweng 2,’ binuo namin ng mga writers at kasama si Direk (Topel Lee) para pagandahin at palakasin at naniniwala ako na mas gumanda itong part 2,” kuwento ni Vhong.
Ang iba namang miyembro ng cast ay may experience na ipinagamot sila sa albularyo.
Naunang magkuwento si Barbie Imperial, “Sa Albay po sa probinsya namin kasi nu’ng bata pa po ako sobrang puti ko po tapos parati akong (napaglalaruan) naduduwende. Kahit dinadala po ako sa hospital ni mama hindi po talaga ako gumagaling.
“Hindi ko po alam kung weird para sa inyo pero sa probinsya po talaga sobrang naniniwala po kami. Marami pong bilog-bilog (pantal sa braso) kapag naglalaro po ako sa puno tapos pag-uwi ko ng bahay namumula na ‘yung buong mukha ko tapos hindi po ako mapagaling ng doktor.
“Kaya ‘yung mama ko dinala ako sa albularyo tapos mayroong plato na malalim tapos papatakan ng kandila tapos may mabubuong hugis po na parang uling. ‘Yun ‘yung sinasabi nilang term po sa amin sa Bikol na ‘sitno’ tapos pinapahid po sa noo ko, saka dito (magkabilang pulso) saka sa paa.
“Tapos pagbalik ko po ng bahay, unti-unti na talagang nawawala na ‘yung mga bilog-bilog kaya ako po talagang naniniwala sa mga albularyo,” kuwento ni Barbie.
Ayon naman kay Yamyam Gucong, “Yung lolo ko po ay isang albularyo (sa Bohol), naniniwala siya sa mga engkanto na tumutulong sa kanya raw sa panggagamot. Naka-experience ako na ginagamot niya ako, kumuha siya sa gubat ng hindi ko alam pero rare raw iyon na dahon tapos pinausukan niya ako.
“Kasi ang nangyari po sa akin ay nangangahoy ako sa gubat tapos pag-uwi ko, buong katawan ko maraming bukol-bukol. Sabi ng lolo ko, ‘naengkanto ka!’ Tapos pinausukan niya ako at feeling ko ‘yung time na ‘yun sobrang gaan kahit half lang ‘yung panininawala ko sa lolo ko.
“At sobrang effective until now, napasa po sa mama ko. ‘Yung mama ko, naniniwala sa doctor at naniniwala rin sa halamang gamot, yun po ang experience ko sa probinsya,” aniya pa.
Ikatlong nagkuwento si Ritz Azul, “Naku, maraming kuwento sa amin niyan sa Pampanga, actually ‘yung lola ko rin na mother ng lolo ko, katulad nu’ng kay Barbie na may plato nga na itatapat sa yo tapos may kandila at ‘yung usok ng kandila lilitaw yung kapre o dwende, tapos sasabihin sa akin, ‘yan ‘yung duwende, yan yung lumapit sa ‘yo ganyan.’
“Kailangan mong uminom ng ganito, alayan or mag-sorry. Tapos meron pa ‘yung ikukrus mo ‘yung lupa tapos duduraan mo sasabihin mo, ‘tabi-tabi po.’
“Meron naman ibang style ‘yung lola ko na itlog naman na iikot-ikot sa ‘yo tapos ibababad sa tubig tapos may lilitaw na porma ulit. At nu’ng namatay ang lola ko ipinasa sa lolo ko. In fairness gumagaling ‘yung mga gina-ganu’n nila,” dagdag ng aktres.
Ayon naman kay Jacklyn Jose, “Na-amaze lang ako sa mga kuwento nila, puwede palang mag-part 3 ito (Mang Kepweng). Aware ako na may mga ganyan pero hindi pa po nangyayari sa akin pero nakakabalita ako.”
Wala namang naibahagi sina Joross Gamboa, Fumiya Sankai at direk Topel Lee.
Bukod sa mga pangalang nabanggit ay kasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, Margo Midwinter, Alora Sasam, Rubi Rubi, Chad Kinis, Petite, Caloy Alde, Nikko Natividad, Lou Veloso, Mariko Ledesma, Kaladkaren, Patricia Roxas, Ion Perez, Ryan Bang at Benjie Paras.
Ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” ay mapapanood sa https://upstream.ph simula sa Dis. 25, gamit ang GMovies at mabibili ang ticket sa halagang P250
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.