Huwag niyo kaming patayin | Bandera

Huwag niyo kaming patayin

Atty. Rudolf Philip B. Jurado - December 03, 2020 - 09:00 AM

Panyero, sino ang susunod na papatayin na abogado?

Ikaw, ako o sila? Hindi na ligtas ang maging abogado dahil pinapatay na nila tayo. “Lie low” muna. Huwag munang humawak ng mga maseselan at kontrobersyal na kaso. Walang katiyakan kung kailan matatapos ang pagpatay sa ating mga kapwa abogado. Ginagampanan lang natin ang ating mga gawain. Kailangan mag ingat. Bakit nga ba tayo pinapatay?

Ito ang wika, obserbasyon at naging katanungan ng isang kapwa kong abogado na nag aalala sa kanyang kaligtasan, matapos na may mapatay na naman na abogado noong nakaraang linggo.

Tulad nila, nakaramdam din ako ng pag aalala sa aking sariling kaligtasan.

Pero gusto ko sanang sabihin sa kanya na huwag matakot.

Gusto ko sanang sabihin sa kanya na tuloy lang ang gawain natin bilang abogado maski may banta sa atin kaligtasan. Maski may banta sa ating propesyon.

Gusto ko sanang sabihin sa kanya na hindi dapat maapektuhan ang ating sinumpaang tungkulin bilang abogado dahil may ilang tao na gustong pigilan ang mga katulad natin na gustong maglingkod para sa hustisya.

Gusto kong sabihin sa kanya na maging mahinahon at harapin ang katotohanan na sa ating profession bilang abogado, kalakip nito ang banta sa kaligtasan at buhay.

Gusto ko sanang sabihin sa kanya na maging matapang sa mga ganitong panahon. Ipakita sa mga may kagagawan ng mga ito na hindi nila tayo kayang takutin. Na handa tayong mamatay para sa hustisya. Para sa Bayan.

Ngunit sa dahilan hindi ko maipaliwanag, nagmistulang ako’y naging pipi. Ayaw at hindi lumabas sa aking bibig ang mga salitang ito.

Marami na ang pinatay sa hanay ng mga legal profession na kinabibilangan ng mga abogado, judge at prosecutor, pero nakakalungkot na karamihan dito ay nananatiling hindi pa nareresolba o nahuhuli ang mga may kagagawan ng pagpatay.

Ang patuloy na pagpatay sa mga abogado ay nakakabahala. Tila, walang takot ang mga may kagagawan ng mga ito. Walang takot sa batas. Walang takot sa kaparusahan.

Sa puntong ito, ang sunod sunod na pagpatay sa mga abogado at sa hanay ng legal profession ay masasabing banta hindi lamang sa ating demokrasya at peace and order, ngunit higit sa lahat sa ating justice system.

May malaking papel na ginagampanan ang mga abogado sa ating justice system. Sila ay inatasan ng batas at ng kanilang sumpa na maging instrumento ng hustisya hindi lang sa kanilang mga kliyente ngunit sa lahat. Sila ay tinuturing “officers of the court” na kabalikat ng mga korte sa pagbigay ng hustisya.

Pero ang walang tigil na pagpatay sa mga abogado at ang pagkabigo ng pamahalaan na maresolba ang mga ito ay maaaring magbigay agam agam o pag alinlangan sa mga abogado na magampanan ng lubusan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Obligasyon ng ating gobyerno na bigyan sila ng kasiguruhan sa kanilang kaligtasan habang kanilang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang kabalikat ng korte sa pagbibigay hustisya sa lahat.

Kung ito ay hindi maibibigay sa mga abogado pati na sa mga judge at prosecutor, hindi nila magagampanan ng lubusan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Kung hindi din ito maibibigay ng gobyerno, wala ng lugar na ligtas sa ating bansa. Walang malayang awtoridad na iiral upang ipatupad ang hustisya.

Nararapat lang siguro na ang ating pamahalaan, partikular ang Philippine National Police (PNP) at National Investigation Bureau (NBI) at iba pang ahensya ng gobyerno, na tutukan at bigyan ng mas malawak na pansin ang mga pagpatay sa mga abogado at sa hanay ng legal profession. Ibang stratihiya na maaaring maging epektibo.

Ang pagtatayo ng iba’t-ibang “task force” sa tuwing may mapapatay sa hanay ng legal profession ay maaaring magandang hakbang upang matutukan at mabilisang malutas ang mga patayan. Pero mas maganda siguro kung may iba pang hakbang, na naaayon naman sa batas, na magagamit ang pamahalaan at mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para matigil ang patayan o di kaya mabilisang maresolba at mahuli ang mga may kagagawan ng mga ito.

Ang mabilisang pagresolba at paghuli sa mga salarin ay mabisang paraan para hadlangan (deter) o maibsan ang sunod sunod na patayan sa hanay ng legal profession.

Ipakita sa may mga kagagawan ng mga ito na may batas na umiiral. Na may awtoridad na tutugis sa kanila. Na may kaparusahan na naghihintay sa kanila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

At sa ating mga abogado, manatiling matatag, ipaglaban ang hustisya at ituloy ang pagtaguyod ng mga salitang ating sinumpaan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending