Tugade nanawagan sa mga tsuper na magparehistro sa Service Contracting Program ng LTFRB
Nanawagan si Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan (PUVs) na magpa-rehistro at lumahok sa “Service Contracting Program” na isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nasa ikatlong araw ngayon ng general registration at orientation program para sa Service Contracting ng LTFRB na ginaganap sa Quezon City Memorial Circle Covered Basketball Court.
Tatagal ito hanggang sa Nov. 29.
Sa ilalim ng programa, sinabi ni Tugade na tutulungan ang mga driver na magkaroon ng dagdag na kita sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo base sa kanilang performance.
Sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act o “Bayanihan 2” ay naglaan ng P5.58 bilyon para pondohan at isakatuparan ang “service contracting program” at tulungan ang mga tsuper na na magkaroon ng dagdag na kita.
Nakasaad sa programa na babayaran ng pamahalaan ang mga tsuper sa pamamagitan ng isang “performance-based subsidy”, kung saan gagawing batayan ang distansyang itinakbo ng mga pampublikong sasakyan na minamaneho nila.
Ayon sa LTFRB, ang mga tsuper ng mga tradisyunal at modernong jeepneys ay makakatanggap ng P11 kada kilometro.
Samantala, ang mga tsuper naman ng mga pampublikong bus ay makakatanggap ng P23.10 kada kilometrong itinakbo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.