#SerbisyoBandera: Pedicab driver tuloy ang padyak kahit putol ang paa
HIRAP, init, at pagod. Ito ang kinakaharap ng isang Person with Disability (PWD) at pedicab driver upang makaraos sa araw-araw.
Si Roberto Balagtas ay 55 taong gulang mula sa Calumpang, Calumpit, Bulacan. Nag-viral ang video ni Tatay Roberto na in-upload sa TikTok ng isang netizen na may ginintuang puso – si Theresa Ann Benedicto.
Ang video na ito, na umani ng libo-libong views, ay naging daan upang makatulong at makapagpabago ng kapalaran ang maraming viewers all over the world.
Kuwento ni Theresa sa BANDERA, nakita niya si Tatay Roberto habang siya ay nagmamaneho ng motor at pauwi sa kaniyang tahanan sa Hagonoy.
“Nakita ko po siya na may sakay na dalawang babae na may dalang grocery. Huminto po ako nu’ng nakita ko na huminto siya kasi nagulat po ako [na] isa lang ‘yung paa na gamit niya sa [pagpapadyak] ng pedicab, knowing na ang hirap at bigat ng mga sakay niya at sobrang init,” saad ni Theresa.
BAKA BET MO: Delivery rider nagulat, nakaburol na pala ang shopper: Last parcel bago ma-RIP
Nang mapansin ni Theresa na dumarami na ang views at nagsimula itong mag-viral, naisipan niyang puntahan si Tatay Roberto upang kumustahin.
Sa kanilang pag-uusap ay naibahagi ni Tatay Roberto ang tunay na dahilan ng pagkaputol ng isa niyang paa at kung bakit siya patuloy na kumakayod sa pagpapadyak.
Si Tatay Roberto pala ay biktima noong 2023 ng ‘hit and run’ sa kanilang lugar.
“Nagmamaneho daw po siya ng tricycle, gabi po iyon, nang [banggain] sila ng kotse na hindi nila naplakahan,” saad ni Theresa. Dahil sa aksidenteng ito ay napuruhan si Tatay Roberto na naging dahilan ng pagkaputol ng kaniyang paa.
Dagdag pa ni Theresa, pangarap daw ni Tatay Roberto na magkaroon ng sarili niyang electrical bike o e-bike upang hindi na siya mahirapan sa pagpapadyak ng pedicab, dahil bukod sa pedicab na lamang ang pinagkakakitaan ni Tatay Roberto ay dito na rin siya natutulog at nagpapahinga.
CHIKA PA MORE: #SerbisyoBandera: Amang LGBTQ member nagbibigay-kulay sa pamilya
Sa kabutihang palad ay may ilang netizen na ang nagpahatid ng tulong kay Tatay Roberto, kagaya ng groceries at pera, goal rin daw ng uploader na si Theresa na magkaroon ng fundraising para kay Tatay.
“Naisip ko po na baka ito na ‘yung way ni Lord para mas madaming makatulong sa kaniya, na mabago naman ang takbo ng kapalaran ni Tatay,” mensahe ni Theresa.
Para naman sa mga nais magpahatid ng tulong upang mabili ni Tatay Roberto ang kaniyang pangarap na e-bike, at magkaroon siya ng sapat na halaga para sa gastusin sa araw-araw, narito ang numero ng GCash: 0966-177-9405 (Theresa Ann S.).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.