#SerbisyoBandera: Amang LGBTQ member nagbibigay-kulay sa pamilya
NGAYONG ipinagdiriwang natin ang Father’s Day at Pride Month, isang espesyal na feature story ang inihandog namin sa inyo mga ka-BANDERA.
Ibabandera namin sa inyo ang nakaka-inspire at makulay na kwento ni Kirk Bungabong Morallos, isang huwarang ama na miyembro rin ng LGBTQIA+ community.
Sa exclsuive interview ng BANDERA, inamin ni Kirk na hindi niya inaasahang magkakaroon siya ng sariling pamilya at mga anak, lalo na’t ang gusto niya noon ay magkaroon ng same-sex partner.
“All my life I’ve loved being gay. And I believe once you are born gay, you will die gay,” sey niya sa amin.
Aniya pa, “Hindi ko naisip na one day, I’ll become an LGBT father.”
Kwento niya, dahil laganap ang diskriminasyon pagdating sa mga gay, naiba raw ang landas niya pagdating sa buhay pag-ibig.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: BINI Maloi namigay ng P1k para sa pamasahe ng fan
At diyan niya nakilala ang babaeng tinanggap ang kanyang pagkatao at minahal siya ng buong puso na si Algen.
Sila ay 20 years nang kasal at nabiyayaan ng apat na anak na sina Aika, Miuqui, Dondie at Eanea.
Sabi ni Kirk, umpisa pa lang alam na ni Algen na siya ay isang bakla, lalo na’t madalas siyang mapag-usapan sa kanilang lugar.
Hindi nga rin daw siya makapaniwala na sa dinami-dami ng manliligaw noon ng kanyang misis ay siya ang pipiliin nito na maging “forever” at “the one.”
“My life was an open book since the beginning…naging challenge ay ‘yung mapalambot ang loob ng future in-laws ko,” saad LGBTQ dad.
“There was no ‘instant us’…pero hindi rin naman nagtagal na makuha ko ang matamis na ‘oo’ ng aking misis,” sambit niya.
Dumaan, aniya, siya sa normal na panliligaw katulad ng pagde-date, hinahatid at sundo niya ito sa kanilang bahay at siyempre, humaharap din siya sa mga magulang ni Algen.
Lubos ang pasasalamat ni Kirk sa kanyang asawa dahil kahit iba ang kanyang sexual orientation ay hindi niya ito iniwan.
Bagkus, magkasama nilang hinarap ang mga pagsubok kahit maraming mapanghusgang tao ang nakapaligid sa kanila.
“I got disgusted looks sa tuwing magka-holding hands kami in public. Para bang napakalaking isyu na ito sa non-LGBT members,” wika ni Kirk.
Naging malaking epekto rin daw ‘yung mga negatibong comments na natatanggap nila, lalo na ng kanyang misis.
Ilan lamang daw sa mga ibinabato kay Algen ay mga statements na: “Bakit pumatol ka sa bakla?,” “Bakit siya? Marami namang iba dyan!,” “Ano ang ipapakain niyan sa’yo pagdating ng araw?,” “Manlalalaki ‘yan for sure!,” “Mas maganda pa kilay niyan sa’yo!”, at marami pang iba.
Pero sa kabila raw ng lahat na ‘yan, mas pinili nilang mamuhay ng masaya at mahalin ang isa’t-isa.
Kagaya ng maraming tatay, si Kirk din ang nagsusumikap para mabuhay at maibigay ang mga kailangan ng kanyang pamilya.
Pero hindi kagaya ng iba na pwersa at lakas ang puhunan, ang kanyang ginagamit ay ang mga talento niya bilang isang queer –katulad ng pagiging makeup artist, dance instructor, event host, mananahi ng costumes, at marami pang iba.
“I did all these kasi kailangan kong buhayin ang aking mga anak. Hindi ko alam kung naiintindihan nila nang lubusan ang aking mga ganap, pero kakaiba kasi sa ibang mga tatay na halos mabibigat at pwersa ng katawan ang bumabanat para magkapera,” chika niya.
Nang tanungin naman namin siya kung paano niya ipinaliwanag sa kanyang mga anak na isa siyang LGBTQIA+ member.
Ang sagot niya, “Ipinaliwanag ko ng paunti-unti ang aking kinabibilangan dahil nakikita naman nila sa mga kilos ko araw-araw at napapansin nila na kakaiba ako sa mga pangkaraniwang tatay na nakikita at nakakasalamuha nila. Ako ay bahagyang mas malambot sa kilos, gawa at pananalita kumpara sa mga tunay na mga lalaking may mga asawa.”
“Kusa naman nilang naiintindihan ang kaganapang ito habang sila ay lumalaki kaya normal na sa kanila,” saad ni Kirk.
Patuloy niya, “At siyempre hindi rin ako nagkulang na ituro sa kanila ang salitang RESPETO–respeto sa lahat, LGBTQIA+ ka man o hindi.”
Sinundan naman namin ito ng question na kung paano niya na-iinspire ang kanyang mga anak bilang isang LGBTQ father.
“Ipinapakita ko sa mga anak ko na hindi ko ikinakahiya ang pagiging LGBTQ member,” saad niya.
Minsan nga raw naitanong niya sa kanyang mga anak kung ikinakahiya siya ng mga ito at ang sagot daw nila: “Siyempre hindi at sa katunayan proud nga kami sa’yo daddy kahit pangit ka lang.”
Hindi raw ito malimutan ni Kirk at sa tuwing naaalala niya ang mga sinabi ng kanyang mga anak ay napapaiyak siya.
“Hindi naging madali sa akin bilang queer member, pero ang nagbibigay ng lakas para mas pagbutihin ko sa buhay ay ang aking mga anak,” sey ni Kirk sa amin.
Patuloy niya, “Nakita ko na kahit papaano ay naging responsableng tatay rin ako…Tanging mga anak ko lamang ang makapagsasabi ng kung ano ako sa kanila.”
Pagmamalaki pa ni Kirk, “Sa katunayan, nakatanggap na po ng parangal ang aking pamilya bilang ‘Family of the Year Award’.”
Totoong inspiring at nakakamulat ang journey ni Kirk bilang isang ama and at the same time ay isang LGBTQ member.
Kaya naman ang mensahe niya sa future LGBTQ parents:
“Mas kilalanin ang sarili at huwag magbalat-kayo. Mag-focus sa buhay at huwag ikahiya ang pagiging LGBTQIA+. Maging responsableng mga magulang sa mga anak dahil ang mga pangungutyang tinatamasa ay natatakpan ng mga magagandang ginagawa.
“Pinakamasarap na regalo sa sarili bilang isang tatay ay ang magampanan ang ating mga responsibilidad sa sarili, sa asawa at mga anak.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.