MTRCB sa drivers, operators: ‘G’ at ‘PG’ lang ang pwedeng ipalabas sa PUVs
BILANG maraming tao ang bumabiyahe, lalo na tuwing holiday season, naglabas ng paalala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa mga operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan o Public Utility Vehicle (PUV).
Ayon sa MTRCB, dapat rated “G” (General Patronage) o “PG” (Patnubay at Gabay ng Magulang) lang ang mga pelikulang ipapalabas habang nasa biyahe.
Ibig sabihin niyan, dapat pwede para sa lahat ng manonood, partikular sa mga bata ang mga ipinapalabas sa mga pampublikong transportasyon.
Sa katunayan nga ay may kautusan ito sa ilalim ng Memorandum Circular No. 09-2011 na kinikilala bilang common carriers o isang sinehan na rin ang mga PUV dahil nagpapalabas sila ng mga pelikula na sakop ng nasabing ahensya.
Baka Bet Mo: MMDA papayagan ang provincial buses sa Edsa simula Dec. 20 to Jan. 5
Layunin nitong mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang negatibong epekto sa mga batang biyahero kasama ang kanilang pamilya.
“Kasama po sa aming mandato na matiyak na ang lahat ng palabas sa loob ng pampublikong sasakyan ay ligtas para sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga bata,” sey ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.
Aniya pa, “Parte ito ng mas malawak naming trabaho na maprotektahan ang ating mga kababayan.”
Dahil diyan, hinihikayat din ng MTRCB ang publiko na isumbong ang mga lumalabag sa mga opisyal na social media channels ng MTRCB (@MTRCBGov) at email: [email protected].
Ang mga pasaway ay maaaring patawan ng parusa alinsunod sa Presidential Decree No. 1986 at Chapter XIII ng 2004 Revised Implementing Rules and Regulations.
Kaya sa mga drivers at operators ng PUV, tandaan: simpleng pagsunod para sa kaligtasan at kaginhawaan ng lahat.
Para naman sa mga pasahero, tulong-tulong tayong gawing maaliwalas at ligtas ang biyahe ng bawat Pilipino!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.