Vice takot na takot habang bumabagyo sa Balesin: Pero walang-wala ito sa mga kababayan nating nawalan…
DOKUMENTADO ang naranasan ng Kapamilya couple na sina Vice Ganda at Ion Perez habang hinahagupit ng bagyong Ulysses ang Balesin island.
Sa kanyang latest vlog sa YouTube, ipinakita ng TV host-comedian ang mga nangyari sa kanila sa sosyal na resort nang magsimula nang maghasik ng bagsik ang mapaminsalang bagyo.
Dumating sa isla sina Vice at Ion kasama ang ilang kaibigan isang araw bago manalasa si Ulysses. Makikita sa video ang pagsakay sa eroplano ng grupo hanggang sa dumating na nga sila sa resort.
Sa isang bahagi ng vlog ng TV host, makikitang nakahiga na silang lahat sa isang malaking kwarto habang nararamdaman nila ang lakas ng ulan at hangin sa labas.
“Na-trap tayo dito sa Balesin. Actually pabagsak pa lang siya sa area dito sa Balesin,” ani Vice.
Bigla namang tumayo si Ion at umaming nag-aalala na siya sa tindi ng bagyo, “Sa naririnig ko, nininerbiyos ako.
Nasa mata talaga tayo ng bagyo, e. Hindi ako natatakot sa ganyan, pero iba, ‘to.”
“It’s scary,” pagsang-ayon ni Vice sabay sabing, “but let’s remain calm.”
Ilang sandali pa ang lumipas ay sinabihan na sila ng management ng resort na kailangan na silang lumipat ng villa para sa kanilang seguridad.
“We needed to evacuate the villas dahil nasira na rin ‘yung mga katabing villas kasama na rin ‘yung villa nila Moira (dela Torre, who was also in the resort coincidentally), nawasak na daw ‘yung bubong,” sabi pa ni Vice.
Pero dahil biglang nawalan ng kuryente at tubig sa pinaglipatan sa kanila, muli silang pina-evacuate sa ibang villa.
Kinabukasan, nagkuwento uli si Vice sa nakakatakot na karanasan nila habang nananalasa si Ulysses sa Balesin.
“Sobrang hassle ‘yung nangyari kagabi, pero walang-wala ‘yun don sa hassle ng mga naka-experience nu’ng binaha talaga hanggang sa loob ng bahay, hanggang sa bubong nila. ‘Yung mga in-evacuate talaga kasi super dangerous.
Walang-wala itong mga na-experience natin.
“Sadyang nakakatakot ang karanasan naming ito noong mga oras na ‘yung dahil ang mata ng bagyo ay nasa lugar na kinaroroonan namin.
“Ngunit nagpapasalamat kami sa Panginoon dahil lumipas ang ulan at nanatili kaming ligtas hanggang makabalik sa Maynila. Nakikiramay kami sa lahat ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng bagyong ito,” lahad pa ni Vice Ganda.
Samantala, nanawagan din ang komedyante sa lahat ng kanyang supporters at social media followers na mag-donate para sa mga biktima ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.
“Samahan nyo kong makalikom ng pantawid krisis para sa ating mga kababayan. Anumang halaga ay buong puso kong pasasalamatan. Ngayon pa lang MARAMING MARAMING SALAMAT!!!” ang tweet ni Vice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.