Convicted drug lord iniurong ang dating testimonya, sinabing hindi siya nagbigay ng pera kay De Lima
Iniurong na ng isang convicted drug lord na testigo ng prosekusyon ang nauna niyang pahayag na nakipagkita diumano siya at nagbigay ng pera kay Senator Leila de Lima para sa kandidatura nito sa Senado.
“Si Vicente Sy ay tumestigo noon at sinabi niya na nag-ambag daw siya ng halagang P500,000 para daw sa kampanya ni Senator De Lima noong 2012,” wika ni Atty. Boni Tacardon, abogado ni De Lima.
“Pero sa aming pagtatanong kanina, sinabi niya na kailanman ay hindi siya nagbigay ng pera kay Senator De Lima at sinabi rin niya na hindi niya kilala si De Lima,” dagdag ni Tacardon.
Si Sy ay isa sa mga high profile na preso na namumuhay ng marangya sa loob ng National Penitentiary bago iutos ni De Lima, na noo’y justice secretary, ang pag-raid at pagbaklas sa mga kubol noong 2014.
Tumestigo rin si Atty. Rigel Salvador ng Public Attorney Office at inaming wala siyang personal na pagkakaalam sa akusasyong sangkot si De Lima sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Tacardon, sinabi ni Salvador na nag-notarize lamang siya ng sinumpaang salaysay ng namayapang drug convict na si Jaybee Sebastian na nagdadawit din kay De Lima sa umano’y bentahan ng droga sa loob ng NBP. Ayon sa prosekusyon, ginawa ni Sebastian ang salaysay anim na araw lamang bago siya namatay nitong Hulyo 18, dahil diumano sa COVID-19.
“Sa aming pagtatanong kay Atty. Salvador, inamin niya na hindi naman siya ang gumawa ng nasabing salaysay ni Jaybee Sebastian at ang tangi niyang partisipasyon dito ay ang mag-notaryo lang. Pinatotoo niya na hindi niya alam ang laman nito at hindi niya alam kung lahat ng nakasaad dito ay totoo,” wika ni Tacardon.
Ganundin, sinabi Tacardon na mismong si Bureau of Corrections Officer Dennis Alfonso na testigo rin ng prosekusyon ay nagsabing wala silang anumang nakita na maaaring magdiin kay De Lima sa kaso ng ilegal na droga noong isagawa nila ang Oplan Galugad noong 2016.
Noong nakaraang buwan, sinabi rin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kapwa tumistigo para sa prosekusyon, na wala silang nakitang anumang katibayan na maaaring magpatunay na sangkot si De Lima sa bentahan ng droga sa NBP.
Nakakulong si De Lima sa Camp Crame mula pa noong Pebrero 2017 sa akusasyong sangkot siya sa ilegal na kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa NBP noong siya ay nanunungkulan pa bilang kalihim ng Department of Justice.
Mariing pinabulaanan ito ng senadora at sinabing ganti lamang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil dating pinaimbistigahan niya ang diumano’y malalang kaso ng extrajudicial killing sa Davao City noong mayor pa doon ang pangulo.
Maraming mga personalidad at institusyon sa daigdig, kabilang na ang European Parliament at US Senate, ang matagal nang nananawagan na palayain si De Lima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.