Pamamaalam ni Angeline Quinto kay Mama Bob: ‘Salamat sa pagkakataong ibinigay para maging anak mo’
Sa tuwina ay may hatid na lungkot ang mga pamamaalam. At kung ang lilisan ay hindi na muli pang babalik, lungkot na may kahalong kirot ang mararamdaman.
Sa larawang ibinahagi ni Angeline Quinto sa Instagram, damang-dama ang pighating nararanasan ng singer-actress.
“Mag-iingat ka sa paglalakbay Mama,” wika ni Angge habang yakap ang wala nang buhay na si Sylvia Quiros, ang kanyang kinagisnang ina.
“Hindi man kita maalalayan sa paglalakad ngayon patungo sa paraiso, masaya ako nandyan ang Panginoon para umalalay sayo,” ang magiliw ngunit madamdaming pamamaalam nito.
Mama Bob, iyang ang tawag ni Angeline sa kanyang adoptive mother.
Isinilang si Angge noong Nobyembre 26, 1989. Pero dahil sa hirap ng buhay at karahasang nararanasan ng kanyang inang si Susan Mabao sa kamay ng amang si Pop Quiros, minabuting ipaampon na lamang siya sa tiya ng kanyang ama, si Mama Bob.
Pagkalabas pa lamang ng ospital ay si Mama Bob na ang may karga sa kaniya. Ito ang kasama niya sa kanyang unang paglakad, sa unang pagbigkas ng mga salita.
Umikot ang kanilang mundo sa isa’t isa.
Anim na taon si Angge nang una niyang malaman na isa lamang siyang ampon. Gumuho ang mundo para sa kanya.
Ngunit pagdaan ng panahon, unti-unti rin niya itong naunawaan at natanggap.
Sa unang pagkakataon pagkatapos ng 23 taon, nakita at nakausap ni Angge ang kanyang tunay na ina noong 2012.
Malaking bagay ito para sa kanya lalupa’t maraming tanong ang nasagot sa pagkikitang iyon.
Pero hindi ito naging daan para talikuran ang kinagisnang ina.
Hanggang sa huling sandali.
“Hinding hindi ako mapapagod sa pagpapasamalat sayo Ma, dahil sa pagkakataong ibinigay mo sa akin para maging anak mo,” wika pa ni Angge.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, MAHAL NA MAHAL KONG MAMA BOB 💔”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.