Yearend 2024: Kamatayan, pamamaalam sa mundo ng showbiz
BAGO magpaalam ang 2024, alalahanin natin ang mga kasamahan sa entertainment industry na sumakabilang-buhay na.
Ito’y bilang pagkilala at pagpupugay na rin sa kanilang mga naiambag sa bayan bilang alagad ng sining.
MARIO BAUTISTA
Pumanaw ang veteran entertainment writer at film critic noong January. Siya ay 77 years old.
December 23, 2023 ay nawalan ng malay si Tito Mario at tumama ang kanyang ulo sa semento. Nakalabas siya ng hospital noong December 29, pero nagkaroon ng complications kaya ibinalik siyang mula sa ospital noong December 31.
“Infections in the lungs and kidneys, along with sepsis, emerged. Although he showed signs of recovery yesterday and was expected to leave the hospital soon, fate had other plans,” ang bahagi ng official statement ng kanyang naulilang pamilya.
ROMY VITUG
January 18 nang mamaalam ang premyadong cinematographer na si Romy Vitug, ilang araw bago sumapit ang kanyang 87th birthday.
Walang ibinigay na detalye ang kanyang pamilya tungkol sa tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay ngunit ang balita, 2020 pa lamang ay pabalik-balik na siya sa ospital dahil sa megaloblastic anemia at myelodysplastic syndromes.
Ilan sa mga natatanging obra ni Romy Vitug ay ang “Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak” (1978), “Salome” (1981) “Haplos” (1982), “Paradise Inn” (1985), “Hihintayin Kita Sa Langit” (1991), at “Ikaw Pa Lang Ang Minahal” (1992).
DEO EDRINAL
Buong industriya ng showbiz ay nagluksa sa pagkawala ni Deo Edrinal noong February, lalo na ang mga artistang natulungan niya noong nagsisimula pa lamang na ngayon ay sikat na sikat na.
Binansagang “visionary leader”, siya ang nasa likod ng mga matagumpay na proyekto ng Dreamscape Entertainment kabilang na riyan ang “Mara Clara” (1992), “Mula Sa Puso” (1997), “May Bukas Pa” (2009), at “Mara Clara” (2010).
TIKOY AGUILUZ
February rin nang mamatay ang award-winning filmmaker na nakilala sa una niyang pelikula na “Boatman” (1984) na pinagbidahan nina Sarsi Emmanuelle at Ronnie Lazaro. Wala ring ibinigay na dahilan ang kanyang pamilya sa kanyang pagpanaw.
Isa pa sa markadong pelikula niya ay ang “Segurista” (1996) na siyang inilaban ng Pilipinas sa Academy Awards. Nanalo siya rito ng Best Director sa Gawad Urian.
Ang ilan pa sa kanyang mga hindi malilimutang pelikula ay ang “Balweg” (1985), “Segurista” (1996), “Rizal In Dapitan” (1997), “Tatsulok” (1998), “Tatarin” (2001), “www.XXX.com” (2003), “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story” (2011), at “El Brujo” (2015).
Bukod dito, ginawaran din siya ng Chevalier dans l’Ordre des Arts et Lettres award o ang the Knight of the Order of Arts and Letters ng French government for his valuable contributions to the film industry.
JACLYN JOSE
Ginulantang ng biglaang pagpanaw ni Jaclyn Jose ang buong entertainment industry noong March matapos atakihin sa puso. Siya ay 60 years old.
Gumawa ng kasaysayan ang veteran actress matapos hiranging kauna-unahang Filipino actor na nagwaging Best Actress sa 2016 Cannes Film Festival para sa pelikula ni Direk Brillante Mendoza na “Ma’ Rosa.”
May limang Gawad Urian awards din siya, apat na Star Award trophy, dalawang Luna Award at tig-isa sa FAMAS at Metro Manila Film Festival.
FLOY QUINTOS
PUMANAW ang award-winning director at playwright na si Floy Quintos dahil sa heart attack noong April 27 sa edad na 63.
Si Direk Floy ay isang Palanca award-winning playwright, director, scriptwriter at makata. Nakilala siya sa kanyang mga dula at musical tulad ng “The Kundiman Party,” “Angry Christ,” “Fluid,” at “The Reconciliation Dinner.”
Siya rin ang nagdirek sa dating showbiz talk show ng GMA 7 na “Startalk.” Nagsilbi rin siyang writer ng mga pelikulang “Wating,” “Darna! Ang Pagbabalik” at “Koronang Itim” na lahat ay ipinalabas noong 1994.
Naging creative director din siya para sa 2019 SEA Games Opening Ceremony.
CARLO J. CAPARAS
May 25 pumanaw ang batikan at premyadong direktor at producer sa edad na 80. Walang ibinahagi ang naulilang pamilya ni Direk Carlo sa tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Bukod sa pagiging direktor at producer, unang nakilala si Carlo J. Caparas sa kanyang mga obra sa komiks, kabilang na ang kanyang mga nilikhang Filipino superhero at classic characters tulad nina Panday, Bakekang, Totoy Bato at Tuklaw.
Ang huling pelikulang ginawa ng namayapang direktor ay ang “Kamandag ng Droga” na tumatalakay sa problema ng Pilipinas sa ilegal na droga, partikular na sa panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Taong 2009 nang hiranging National Artist for Visual Arts and Film sa ilalim ng administrasyon ni former President Gloria Macapagal-Arroyo. Pero binawi ito ng Supreme Court noong July, 2013 “due to grave abuse of discretion.”
MANNY CASTAÑEDA
Namaalam ang TV and movie personality noong July sa edad na 69 dahil sa kanyang heart condition.
Taong 1979 nang magsimula sa showbiz si Manny Castañeda sa pamamagitan ng pelikulang “Aliw.” Ang iba pa niyang nagawang pelikula ay ang mga sumusunod: “Oro Plata Mata” (1981), “Relasyon” (1982), “Bukas Luluhod Ang Mga Tala” (1984), “Tinik Sa Dibdib” (1985), at “Sana’y Wala Nang Wakas” (1986).
Ilan naman sa mga naidirek niyang pelikula ay ang “Guwapings Dos” (1993), “Ging Gang Gooly Giddiyap: I Love You Daddy” (1994), “Kailanman” (1996), “Sa Kabilugan ng Buwan” (1997), “April May June” (1998), “May Isang Pamilya” (1999), at “Shame” (2000).
Ang huling proyektong ginawa niya sa telebisyon ay ang Kapuso afternoon drama series na “Makiling” ngayong taon na pinagbidahan nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio.
CHINO TRINIDAD
July, 2024 pumanaw ang veteran sports journalist na si Chino Trinidad dahil sa heart attack. Siya ay 56 years old.
Naging commissioner siya ng Philippine Basketball League at ilang taong nagserbisyo sa GMA Sports bilang commentator at sports analyst. Naging host din siya ng “Time Out” segment ng “24 Oras.”
DINKY DOO, JR.
Matapos makipaglaban sa diabetes at high blood complications, sumakabilang-buhay ang veteran comedian noon ding July sa edad na 66.
Ilan sa mga pelikulang nagawa niya ay ang “Inday Inday sa Balitaw” at “Maria Went to Town” (1987), “Rock-a-Bye Baby: Tatlo ang Daddy Ko” (1988), “Small and Terrible” (1990), “Suddenly It’s Magic” (2012) and “The Fighting Chefs” (2013).
LILY MONTEVERDE AT REMY MONTEVERDE
Unang namaalam si Leonardo “Remy” Monteverde noong July sa edad na 86 at makalipas lamang ang isang linggo, sumunod na sa kanya ang kanyang asawang si Mother Lily (sa edad na 84).
Naulila nila ang kanilang mga anak na sina Winston, Meme, Roselle, Dondon at Goldwin.
Itinuturing nang icon sa entertainment industry si Mother Lily pati na ang kanyang Regal Entertainment na nakapag-produce na ng daan-daang pelikuoa sa loob ng ilang dekada.
Ilan sa mga classic films ng Regal ay ang “Manila by Night,” “Sister Stella L,” “Scorpio Nights,” “Relasyon,” “Broken Marriage,” “Mano Po” at “Shake, Rattle and Roll.”
Ilan naman sa kanyang original Regal Baby ay sina Maricel Soriano, Gabby Concepcion, Manilyn Reynes, Dina Bonnevie, Snooky Serna, Janice de Belen at Albert Martinez.
CORITHA
Nito lamang September namalaam ang OPM legend na Coritha na nagpasikat sa mga 1970s at 1980s OPM hits na “Oras Na,” “Lolo Jose,” at “Sierra Madre.”
Na-stroke ang beteranang singer at naging bedridden nang ilang taon. Matagal ding nakipaglaban si Coritha sa sakit na diabetes.
MERCY SUNOT
Pumanaw ang lead vocalist ng iconic OPM group na Aegis matapos makipaglaban sa lung at breast cancer habang naka-confine sa Stanford Hospital and Clinics sa San Francisco, California, noong November 18.
Ikinabigla ng lahat ng mga nagmamahal at sumusuporta kay Mercy ang biglaan niyang pagkamatay dahil maganda naman ang naging resulta ng isinagawang medical treatment sa kanya.
Ayon sa official statement ng Aegis Band, “She bravely fought her battle with cancer but has now found peace and rest.
“Mercy’s voice wasn’t just a part of AEGIS–it was a voice that brought comfort, joy, and strength to so many. She has touched countless lives, inspiring fans and lifting spirits with every song she sang.
“Her passion, warmth, and unforgettable presence on stage will forever be cherished in our hearts.”
BOBBY GARCIA
Pumanaw ang award-winning theater producer at director na si Bobby Garcia nito lamang December 16 sa Vancouver, Canada sa edad na 55.
Kinumpirma ito ni Boy Abunda sa kanyang programang “Fast Talk”, “Ito po ay isang malungkot na balita para sa mga kaibigan ng one of my best friends in my life, Bobby Garcia, the director.
“Pumanaw na po ang multi-awarded theater director-producer na si Bobby Garcia sa edad na 55.
“The family thanks friends for understanding their desire for privacy during this very, very difficult time. Kami po ay nakikiramay sa pamilya at sa mga mahal sa buhay ni Bobby Garcia.
“Bobby was one of the beautiful persons, inside and out, na nakilala ko po sa tanang buhay ko.”
ED DE LEON
Nagluluksa ngayon ang showbiz industry sa pagpanaw ng beteranong manunulat na si Ed de Leon sa edad na 69. Kilala si Tito Ed bilang malapit na kaibigan ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Tuluyan nang sumuko ang mamamahayag sa kanyang laban sa heart ailment. Isa siya sa mga showbiz writer na itinuturing na palaban at may paninindigan sa kanyang panulat.
Naging malapit din kay Tito Ed ay si Sharon Cuneta na nag-post agad sa social media tungkol sa pagpanaw ng kaibigan na siyang unang tumawag sa kanya ng “Megastar.”
“Tonight, I received some very sad news. My good old friend, Kuya, protector, defender, tireless supporter since my teens, passed away. Ed De Leon was the one who first called me ‘The Megastar.’
“I am sure that he had no idea then how much it would impact my career and life. My heart is broken. Again. I feel like an era has ended. He loved me and I loved him. I wish God would’ve taken him home some other time, not just a few days before Christmas. I will miss you, my dearest Kuya Ed.”
LIAM PAYNE
Ipinagluksa rin ng mga Filipono fans ang pagkamatay ng original members ng One Direction na si Liam Payne. Nag-reunion ang iba pang miyembro ng international boy group na sina Harry Styles, Louis Tomlinson, Niall Horan at Zayn Malik sa burol at libing ng kanilang kaibigan.
Pumanaw si Liam noong October 16, matapos mahulog mula sa 3rd floor ng balkonahe ng tinutuluyan niyang hotel sa Buenos Aires, Argentina.
Nakunan ng CCTV ang pagkalaglag niya mula sa ikatlong palapag ng CamSur Hotel. Base sa ulat, hindi nagpakamatay si Liam tulad ng mga unang naglabasan sa social media at pinaniwalaan ng ilang fans ng singer.
Ayon sa Argentinian broadcast journalist na si Paula Varela, aksidente ang pagkalaglag ni Liam sa naturang hotel dahil nawalan muna umano ito ng malay bago mahulog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.