Direk Cathy sa John Lloyd-Bea reunion movie: Wag na nating ipilit kung hindi talaga…
THIS year sana sisimulan ng blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina ang pinakahihintay na reunion movie nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.
Ngunit dahil nga sa COVID-19 pandemic minabuti muna ni Direk Cathy at ng Star Cinema na huwag muna itong ituloy lalo pa’t hindi talaga gusto ng direktor na mag-shooting habang may pandemya.
Nakachikahan uli ng entertainment media si Direk Cathy sa ginanap na virtual presscon para sa fundraising event nilang “Pakpak ng Pangarap” recently.
Medyo nag-aalinlangan pa si Direk na magsalita tungkol sa bagong pelikula nina John Lloyd at Bea pero nagbigay pa rin siya ng update about this.
“Depende kasi dapat talaga, I don’t even know if I should say this but hindi naman siguro bawal. I was supposed to do talaga John Lloyd-Bea, yun ang naka-lineup sa akin during the pandemic. As in yun ang mini-meeting namin lagi,” simulang pahayag ng direktor na siya ring nasa likod ng blockbuster Bea-John Lloyd movie na “One More Chance” at ng sequel nitong “A Second Chance.”
“Until medyo tumatagal kami kasi siyempre hindi namin matantya talaga yung pandemya di ba? Tapos siyempre may creative process pa yan. Inabutan na hindi available si Lloydy.
“May mga prior commitments na siya so na-put on hold. Binigyan ako ng bago (project) na ganu’n din. lagi may problema kaya sabi ko itong nakaraan meron ako ulit, sabi ko baka pwedeng next year na lang.
“Huwag na nating ipilit kung hindi talaga. Sabi ko nga sa kanya nu’ng nagkita kami bago magpandemya, nagkita pa kami sa UP. Kumain pa kami nila Carmi (Raymundo) kasi nga inayos namin itong kuwento.
“Tapos nag-meeting na rin kami online. Hanggang sa ayun, hindi umabot. Hindi bale, matutuloy din yan,” tuluy-tuloy na paliwanag pa ni Direk Cathy.
Samantala, ipinaliwanag din niya kung bakit hangga’t maaari ay ayaw muna niyang mag-shooting under the new normal set up.
“Ako kasi nagsasabi sa Star Cinema, I am very open to them and I was very honest to say it will really be very hard for me to direct ng may social distancing. Highly physical ako mag-direct.
“I talk to them. I touch them. Sabi ko, ‘Paano ko ‘to i-mo-motivate nang malayo?’ I talk to my cameramen. Ako gusto ko sama sama yung staff pag kumakain kami. Tapos one seat apart.
“Hindi ko kayang i-figure out sa utak ko talaga. I know there are ways because some did it and I congratulate them. Sobrang saludo ako sa kanila for being able to do that.
“But me I don’t know how I would do it with the same passion and intensity kung ang lalayo nila sa akin. Kaya sabi ko kung kaya namang i-delay, i-delay nila.
“Mukhang hindi na ako makakagawa itong taon na ito but wala naman akong binibitawang tapos na salita. But I hope that I will have the chance to do it pag wala ng pandemya kasi hirap talaga,” katwiran pa ni Direk.
Samantala, sa lahat ng gustong sumuporta sa fundraising auction event nina Direk Cathy na “Pakpak Ng Pangarap,” pwede kayong bumili ng ticket sa www.ktx.ph. Magaganap ito sa Oct. 31, Saturday, mula 9 a.m. hanggang 3 p.m.
Ang malilikom na halaga ay ipambibili ng 100 laptop para sa mga deserving na estudyante na nasa online classes ngayon.
Ilan sa mga celebrities na nagbigay ng kanilang mga pag-aaring gamit para sa auction ay sina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Alden Richards, Angel Locsin, Bea Alonzo, Piolo Pascual, Vice Ganda, Jennylyn Mercado, Dingdong Dantes, Ria Atayde, Jeffrey Tam, Joross Gamboa at Gary Valenciano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.