Kathryn, Daniel: We’re getting married!
NAGSALITA na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla tungkol sa kumalat na tsismis na malapit na silang magpakasal.
Naging hot topic kasi sa social media ang magkasunod na Instagram post ng kanilang mga nanay na sina Min Bernardo at Karla Estrada.
Isang litrato ng wedding gown ang ibinahagi ni Mommy Min habang ilang invitation naman ang ipinost ni Karla — pareho nila itong nilagyan ng “KN” initials with matching wedding ring emoji.
Ayon kina Daniel at Kathryn, totoong ikakasal sila, pero ito’y para lang sa upcoming project ng Star Cinema, ang digital movie series na “The House Arrest of Us”.
Ayon sa KathNiel, ito’y isang 13-part digital movie series tungkol sa dalawang tao na na-lockdown sa isang bahay kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Agad naman nilang nilinaw na hindi ito part 2 ng kanilang blockbuster movie na “The Hows of Us” na ipinalabas two years ago.
“It’s not a sequel. Basically hindi siya connected sa ‘Hows of Us’. It’s a family series, nandun din ‘yung romance. Halo-halo siya pero it’s not related kina George at Primo’ (karakter ng KathNiel sa The Hows of Us),” ani Kathryn sa panayam ng ABS-CBN.
Nag-share rin ang real and reel life partners tungkol sa pagsu-shooting nila under new normal.
“Iba siya sa nakasanayan namin. Naka-lock in lahat ‘yung set-up tapos limited lang talaga ‘yung mga pumapasok, at lahat pina-follow ‘yung safety protocols. Nakakapanibago pero lahat naman nagko-comply,” pahayag ni Kath sa nasabing interview.
“Kakaiba ‘yung experience na nandito kami sa village, parang nasa bubble lang din kami. Walang pwedeng lumabas o pumasok. Kami kami lang ang nandito, astig din siya,” sey naman ni DJ.
Ilan sa mga makakasama nina DJ at Kath sa “The House Arrest of Us” ay sina Gardo Verzosa, Ruffa Gutierrez, Dennis Padilla, Herbert Bautista at Arlene Muhlach, sa direksyon ni Richard Arellano.
Kuwento ni Kathryn tungkol sa set ng kanilang bagong project, “Riot talaga, on and off camera, pero ang interesting niya kasi magkakaiba ang personalities naming lahat. Minsan masyado na kaming maingay.”
Samantala, ayon naman kay DJ, nagdesisyon silang sumabak na muli sa trabaho sa kabila ng patuloy na banta ng pandemya para ipagpatuloy ang paghahatid ng saya at inspirasyon sa madlang pipol.
“Kaya namin ginawa ito dahil gusto naming bigyan ng kasiyahan ang mga tao. Sa panahon ngayon na maraming binibigay na pagsubok at problema, gusto natin magbigay ng ngiti,” ani Daniel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.