DOH tutol sa mungkahing huwag magsuot ng face shield ang mga manggagawa
Hindi kinatigan ng Department of Health ang hiling ng business sector na payagan nang huwag magsuot ng face shield ang mga manggagawang hindi kabilang sa frontliners.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi maaaring ikompromiso ang posisyon ng DOH kaugnay sa pagsuusot ng face shield dahil ito aniya ay “base sa siyensya at ebidensya.”
“Hindi po,” ani Vergeire, “ang amin pong punto at posisyon mula po nung umpisa ay iyong pagsusuot ng face shield, iyong paggawa ng physical distancing, iyong paghuhugas ng kamay.”
“Iyon po ang aming isinusulong at ina-advocate po sa lahat at hindi po namin iko-compromise itong posisyon na ito dahil base po sa syensya at ebidensya,” wika pa ng tagapagsalita ng DOH.
Sa joint letter nila kay Secretary Karlo Nograles, co-chair ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases, hiniling ng tatlong malalaking grupo ng mga negosyante na payagan na ang mga manggagawang hindi kabilang sa fronliners na magtrabahong walang face shield dahil sa umano’y masamang epekto nito sa paningin, kaligtasan at produktibidad ng mga empleyado.
“This is particularly a serious concern for the construction and manufacturing industries such as electronics and automotives which work with minute parts and sensitive production lines,” wika nila.
“Please note that the situation in the workplace is not the same as on the streets, since office movements are controlled and guided by the safety and health protocols such as temperature checking, washing of hands and sanitizing footwear,” dagdag pa nila.
Pero ayon kay Vergeire, “Sinasabi na when you wear a mask, you can decrease the incidence or probability na ma-infect as much as 70 percent.”
“Pag sinamahan niyo pa ho ng face shield at sinamahan niyo pa ho ng physical distancing, you can prevent yourself from being infected by as much as 99 percent,” dagdag pa niya.
Ang mga grupong lumagda sa joint letter ay ang Philippine Silkroad International Chamber of Commerce, Employers Confederation of the Philippines, at Philippine Exporters Confederation, Inc. Kasama ring pumirma si George Barcelon, kasapi ng Legislative Executive Development Advisory Council.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.