Paggamit ng face shield pinag-aaralang ibalik sa harap ng banta ng Omicron
PINAG-AARALAN na ng mga awtoridad sa Pilipinas ang posibilidad na ibalik ang paggamit ng face shield sa harap ng panganib na dulot ng bagong variant ng Covid-19.
“We will look at the possibility,” wika ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez ngayong Linggo.
Sinabi ni Galvez na maging si Health Secretary Francisco Duque ay pabor na muling ipatupad ang patakarang paggamit ng face shield sa mga pampublikong transportasyon at mga kulong na pasilidad gaya ng malls.
“He (Duque) is pro na maibalik ‘yung any protections na pwede natin gamitin,” wika niya.
“Kasi some people from WHO (World Health Organization) also believed na kaya nagkaroon tayo ng magandang result dito sa Delta as compared to others is because of also the added protection of face shield,” dagdag ni Galvez.
Matapos ang mahigit sang taong pagpapatupad ng face shield policy, inanunsyo ng COVID-19 task force noong Nobyembre 15 na boluntaryo na lamang ang pagsusuot nito sa mga lugar na nakapailalim sa alert level 1-3. Nananatili namang ipinatutupad ang paggamit ng face mask.
Nasa ilalim ng alert level 2 ang Metro Manila sa harap ng patuloy na bumababang bilang ng dinadapuan ng Covid-19.
Maliban sa pagtanggal ng polisiya sa face shield, pinayagan na rin ang mga bata na lumabas ng bahay na ang resulta ay mala-piyestang kundisyon sa mga malls at iba pang pampublikong lugar.
Mukhang naghahanda na nga ang mga Pinoy para sa isang masayang Pasko.
Pero ang sayang ito ay kagyat na nabahiran ng agam-agam sa harap ng nakaambang pagkalat ng kinatatakutang bagong variant na Omicron.
Umaksyon na rin ang Pillipinas at ipinagbawal ang pagpasok ng mga manlalakbay mula sa pitong bansa sa southern Africa. Suspendido na hanggang Disyembre 15 ang inbound flights mula sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.
Mulat sa ulat ni Daniza Fernandez, INQUIRER.net
Kaugnay na ulat:
Manlalakbay mula sa 7 bansa sa Africa, bawal nang pumasok sa Pinas
61 pasahero ng KLM galing South Africa, nagpositibo sa Covid-19
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.