Tuyo business ni Neri sinasabotahe: Magtrabaho po tayo, wag manloko at manira
BINALAAN ng aktres na si Neri Naig ang madlang pipol laban sa mga taong gumagamit sa kanyang pangalan at negosyo.
Nakarating kasi sa asawa ni Chito Miranda na may sindikato sa social media na balak mambiktima ng mga inosenteng tao kabilang na ang kanyang mga resellers.
Idinaan ni Neri sa Instagram ang warning sa publiko kung saan ipinost niya ang screenshot ng usapan ng isa sa mga reseller ng kanyang mga negosyo at ng isang taong nagpapanggap na siya.
“Naku, ingat ingat po tayo sa mga natatanggap niyong messages na nagpapanggap na ako po. Baka mabudol po kayo.
“Halos lahat ng resellers at distributors ko po ng Neri’s Gourmet Tuyo ay nakareceive ng message na nagpapanggap na ako po,” bahagi ng Instagram post ng aktres.
Ayon pa kay Neri, ang isang bagay na kaduda-duda sa nasabing poser ay ang paraan ng pakikipag-usap nito sa isa niyang distributor.
Aniya, itinuturing niyang business partners ang mga reseller ng kanyang mga produkto kaya professional din ang pakikitungo niya sa mga ito.
At hindi raw siya gumagamit ng “sis” o “my dear” sa pakikipag-usap niya sa text o chat sa mga resellers niya tulad ng kanyang poser.
Pahayag pa ng misis ni Chito, “Sa panahon ng pandemya ay may malalakas pa rin ang sikmura na manloko at manira ng mga tao.
“Meron din pong galing sa ibang gumagawa ng gourmet tuyo ay sinasabi pong bulok daw po ang mga gamit naming tuyo.
“Ang mga ganitong tao ay ipagdasal na lang po natin, mas kailangan po talaga nila ng gabay sa itaas.
“Magtrabaho po tayo. ‘Wag manloko. ‘Wag manira,” aniya pa sa lahat ng mga taong walang ginagawa sa buhay kundi ang manglamang at manggoyo ng kapwa para lang kumita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.